Ni Rodelia P. Villar
Isa ang DWC (Domestic Workers Corner) sa mga grupo na nakipagpalitan ng ideya noong ika-20 ng Enero tungkol sa pwersahang pagpapatingin ng mga migranteng manggagagawa tuwing may bago silang kontrata.
Nakapaloob ang kautusan sa isang Advisory na pinalabas na Labor Attache Jalilo dela Torre noong ika-8 ng Enero na nagtakda na dapat ay may katibayan ang bawat manggagawa na meron silang medical insurance, at “fit to work” certificate.
Pero si Labatt dela Torre mismo ang bumawi sa Advisory nang marinig ang malawakang pag-alma ng mga manggagawa sa bagong kautusan.
Sa aming pagtatanong, nalaman namin na karamihan ng aming mga miyembro ay pabor sa medical check-up dahil ito ay mahalaga sa bawat isa, nguni’t hindi sa fit-to-work certificate. Ayon sa kanila, malamang na marami ang mawalan ng trabaho ng dahil dito dahil hindi malinaw kung paano ba papasa ang isang manggagawa sa pamantayan ng titingin.
May isa pa ngang miyembro ang grupo ang nagsabi na iinom na lang siya ng lason kung ipatupad ito dahil hindi pa siya bayad sa nagastos niya sa Pilipinas para makarating dito, at kailangan na niyang mag-renew ng kontrata.
Takot siya na hindi makapasa sa pagsusuri dahil may bukol siya sa leeg.
Nang malaman ni Labatt ang tungkol sa kaso ay sinabi niya sa isang group na maaring alisin ang fit-to-work certificate pero hindi ang medical check-up dahil importante na malaman ng mga manggagawa ang kundisyon ng kanilang kalusugan.
Sang-ayon ang DWC sa pananaw na ito ni Labatt dahil kailangan talaga ng mga OFW na bigyang halaga ang kanilang kalusugan.
Sa isang linggong survey na isinagawa ng DWC sa mga miyembro, umabot sa 1,300 ang sumali. Ang 83% sa kanila ay may medical, accident at repatriation insurance, pero ang 17% ay wala.
Nais ng DWC na mabigyang pansin ng mga awtoridad ang ganitong kalakaran dahil nakatakda sa batas ng Hong Kong na kailangang kumuha ng insurance ang amo para sa bawat kasambahay. Dahil walang insurance, hindi makapag pa checkup ang helper kahit may nararamdaman. Hindi naman sila makareklamo dahil takot mawalan ng trabaho.
Sa 100 na miyembro na nagbigay-pahayag sa medical check-up, tatlo lang ang hindi pabor. Marami ang gusto na gayahin ng Hong Kong ang Singapore kung saan nakatakda na dapat magpa checkup ang isang kasambahay tuwing ika-anim na buwan. Iyong iba naman ay sinabing kung sagot ng amo ang pagpapatingin ay payag sila na sumailalim dito taon-taon, o tuwing mag renew ng kontrata.
May mga miyembro din ang nagsabi na kailangan talaga ang medical check-up na sagot ng insurance dahil sa tagal ng follow-up sa mga pampublikong ospital.
Minsan hindi na daw nila makayanan ang nararamdamang sakit lalo na kapag ubos na yung naibigay na gamot, pero hindi pa rin sila makapagpatingin. Muli, dahil sa takot na mag-iba ang trato ng kanilang amo sakaling malaman ang iniinda nilang sakit ay pilit nilang kinakaya ang trabaho.
Marami sa mga taga DWC ang sumama ang loob dahil hindi natuloy ang sapilitang pagpapatunay ng mga amo na may kinuha silang insurance para sa kasambahay tuwing sila ay magpipirmahan sa panibagong kontrata.
Dahil dito minabuti namin na himukin ang lahat ng miyembro na sumailalim sa libreng basic physical check-up na isinasagawa ng Philippine Overseas Labor Office araw-araw, pwera sa Biyernes. Mag-uumpisang magpatingin ang mga miyembro sa susunod na Linggo, ika-27 ng Enero.
Marami na rin sa mga miyembro ang sumailalim na sa pagsusuri, at ang ilan sa kanila ay
sinabihan na kailangan ng follow-up dahil may resultang hindi normal. Hindi na bago ang ganitong resulta dahil marami ang kulang sa pagkain at pahinga, bukod pa sa malaking tensyon na nararamdaman nila sa araw-araw.
Ang survey ay isang paraan din para malaman ng Polo ang sitwasyon ng bawat manggagawa dahil kasama sa mga tanong ang kung ilang oras sila nagtatrabaho sa bawat araw, kung gumagamit sila sa nakalalason na kemikal sa kanilang paglilinis, kung may sapat silang pahinga at pagkain, at iba pa.
Sa kanilang pagbisita sa Polo para magpatingin, malamang na marami ang mabubuksan ang mga mata sa mga serbisyong ibinibigay ng libre sa kanila doon.
Marami din kasi ang mahilig tumuligsa ng hindi muna inaalam na may tulong silang matatanggap mula sa Polo, kabilang na dito ang libreng pagpapatingin.
Bawat isa sa atin ay may tungkulin na alagaan ang ating sarili dahil ang ating kalusugan ang pinakamalaki nating puhunan sa ating trabaho.
Sana isipin ng bawat isa sa atin na nasa ibang bansa tayo, at hindi dapat umasa kanino man para mapanatiling maayos ang ating pangangatawan at pag-iisip, at nang makapagtrabaho ng matiwasay.
---
Ang ating panauhing manunulat sa isyung ito ay si Rodelia P. Villar, miyembro ng The Sun Writers Club at founder ng Domestic Workers Corner. Layon ng grupong kanyang binuo na tulungan ang mga migranteng manggagawa, lalo na ang mga bagong dating, na makapagtrabaho ng matiwasay sa Hong Kong. Nagbibigay sila ng payo o ideya sa mga miyembro na nangangailangan ng dagling tulong o opinyon tungkol sa kanilang trabaho. Kabilang dito ang kanilang mga karapatan bilang manggagawa sa ilalim ng batas ng Hong Kong, at iba pang tulong gaya ng paano magluto ng mga ulam na Intsik para sa kanilang mga amo. Ayon kay Rodelia, suportado ng kanyang grupo ang panukala ni Labor Attache Jalilo dela Torre na magkaroon ng regular na pagsusuri ang mga kasambahay dahil ang kanilang kalusugan ang pinakamalaki nilang puhunan sa pagtatrabaho. –Ed)