Pinag-usapan ang ginawang pagsayaw ni Tirso Cruz III, asawang si Lyn Ynchausti, anak na sina Bodie at Djanin Cruz, at ilang kaanak, sa huling gabi ng burol ng panganay niyang si Tristan Jedidiah o Teejay noong November 24.
Marami ang humanga sa mag-anak sa kagustuhan nilang maging masaya at sumayaw sa praise songs, kaysa malungkot sa pamamaalam kay Teejay. Bagama’t may mga hindi sang-ayon sa kanilang ginawa, marami ang nagtatanggol sa kanila dahil marami ang nakakaalam na mahilig sumayaw si Teejay at isa daw sa hiling niya na magkaroon ng celebratory mood sa kanyang paglisan.
Anim na buwang naratay sa ospital si Teejay bago ito namatay, pero inilihim ng kanyang pamilya ang kanyang kondisyon dahil sa kahilingan niyang siya mismo ang magpapahayag nito kapag siya ay gumaling na.
Binawian siya ng buhay noong November 21, at na-cremate ang kanyang labi noong November 25. Iniuwi ng kanyang pamilya ang kanyang urn dahil matagal nang gusto ni TJ na makauwi na. Kamakailan ay nag-post ng larawan ang kanyang pamilya, na dala ang kanyang urn mula sa rest house nila sa Batangas. Dinala muna nila ito doon upang makapagpahinga at tuparin ang kahilingan ni Teejay na muling makarating doon.
Si Teejay ay dating child actor, at nasa original cast ng kiddie show na “Ang TV” noon, at nakalabas pa sa ilang pelikula, pero nang lumaon ay mas ginusto ang pribadong buhay. Bago nagkasakit siya ay nagtrabaho sa St Luke’s Hospital. Naging co-founder siya ng Spike for Hope, ang fund raising volleyball tournament ng Make A Wish Philippines, isang non-profit organization na tumutulong sa mga batang may malubhang karamdaman.
Ito ay naging adbokasya ni Teejay nang ma-diagnose na may lung cancer ang kanyang amang si Tirso na kilala rin sa palayaw na Pip, at sumailalim sa operasyon noong September 2014, pero nang sumunod na taon, ay nadeklara nang cancer-free o magaling na.
Marami ang naki-simpatiya kay Tirso, na isa sa pinakamaraming kaibigan sa showbiz. Marami na itong napag-daanang kalungkutan sa kanyang buhay. Ang kaisa-isa nitong kapatid na si Woody Cruz, na dati ring actor, ay namatay sa isang malagim na aksidente. Ang kanyang mga magulang na kilalang-kilala rin ng mga Guy and Pip fans noon bilang Daddy Groovy at Mommy Elma ay halos magkasunod ding namatay. Pero ang sabi nga ng marami, wala nang mas sasakit pa sa mawalan ng anak.
Araw-araw ay binabati pa rin ng good morning ni Pip si Teejay sa kayang Facebook account.
BAGONG TV AT DIGITAL SHOWS AT PELIKULA NG ABS CBN SA 2019
Inihayag ng ABS CBN sa kanilang trade partners ang kanilang mga bagong programa at pelikula sa unang yugto ng 2019 noong November 27. Pinamagatang “Family is Love”, ipinakita ang teasers ng kanilang 21 projects, at ipinakilala ang ilan sa mga artistang kasali rito, gaya ng cast ng “The General’s Daughter” na pinangungunahan ni Angel Locsin.
Ang mga projects na nabanggit ay hinati sa apat na categories: reality at variety, digital (iWant), pelikula at teleserye. Ito ay ang mga sumusunod:
WORLD OF DANCE PHILIPPINES – Hosts sina Pia Wurtzbach at Luis Manzano, ang dance competition judges ay sina Billy Crawford, Maja Salvador, at Gary Valenciano. Ang mga contestant ay 8 years old, pataas. Ang grand winner ay may tsansang lumaban sa US version nito.
MINUTE TO WIN IT: LAST MAN STANDING – muling magbabalik ang hit game show na may mga bagong challenges, at si Luis Manzano pa rin ang host.
SEARCH FOR THE IDOL PHILIPPINES – ito ang bersyon ng ABS CBN ng international singing competition show. Ang mga judges ay pangungunahan ni Asia’s Songbird, Regine Velasquez. Ang mga makakasama niya ay ipapahayag sa mga susunod na araw.
9 iWANT ORIGINALS – Ang streaming platform iWant ng ABS CBN ay muling maglalabas ng bagong original films mula sa iba’t ibang kategorya. Ito ay ang “High,” “Project Feb 14,” “Story of My Life,” “The End,” “Commuters,” “Touch Screen,” “Find the Wasabi,” “Jhon en Martian,” at “Everybody Loves Baby Wendy.”
EERIE – Ang horror-thriller na pelikula sa direksyon ni Mikhail Red para sa Star Cinema, ay pangungunahan nina Bea Alonzo at Charo Santos-Concio.
HEART OF MINE – Ang pelikula mula sa Star Cinema ay ang unang pagtatambal nina Jennylyn Mercado, Richard Gutierrez at JM DE Guzman.
SAKALING MAGING TAYO – Mula sa The Black Sheep production, ito ang unang pelikula pagbibidahan ng loveteam nina McCoy de Leon at Elisse Joson, sa direksyon ni JP Habac.
OPEN – Mula pa rin sa The Black Sheep production, ang pelikulang ito ay unang pagtatambal nina Arci Munoz at JC Santos, sa direksyon ni Andoy Ranay.
CLARITA – Isang horror film na pagbibidahan ni Jodi Sta Maria, pagkatapos ng nauna niyang horror film na “Maria Leonora Teresa”.
LIZQUEN 2019 – Ang balik-tambalan nina Liza Soberano at Enrique Gil, sa direksyon ni Antoinette Jadaone, mula sa The Black Sheep production. Wala pang titulo ang pelikula.
MEA CULPA - Bagong TV series mula sa Dreamscape Entertainment Television, na pangungunahan nina Jodi Sta. Maria, Bela Padilla, Sandino Martin, Tony Labrusca, Ketchup Eusebio, Kit Thompson, at Ivana Alawi, sa direksyon ni Dan Villegas.
NANG NGUMITI ANG LANGIT – Ipakikilala ang bagong child actress na si actress Sophia Reola, kasama sina Kaye Abad at Cristine Reyes sa bagong TV series, sa direksyon ni FM Reyes. Kasama rin sina RK Bagatsing, Enzo Pineda, Matet de Leon at Keempee de Leon.
THE GENERAL’S DAUGHTER – Bida si Angel Locsin sa action-drama TV series na balitang pinakamalaking production ng ABS CBN sa 2019. Kasama niya dito sina Albert Martinez, Tirso Cruz III, Janice de Belen, Eula Valdez, Maricel Soriano, Paulo Avelino, JC de Vera, Ryza Cenon, Arjo Atayde, Loisa Andalio, at Ronnie Alonte. Ito ay sa ilalim ng Dreamscape production, at sa direksyon nina Manny Palo at Mervyn Brondial.
BOY ANG SUSUNOD NA ANAK NINA MARIAN AT DINGDONG
Ipinahayag na ng Kapuso royalty na sina Marian Rivera at Dingdong Dantes sa kanilang You Tube channel na Team Dantes na baby boy ang kanilang magiging anak. Natupad ang hula at hiling ng marami na lalaki naman ang kasunod ng kanilang panganay na si Zia, na ngayon ay tatlong taong gulang na, at lumalaking napakagandang bata.
Ayon kay Marian, gusto talaga nila ni Dingdong na lalaki ang susunod nilang anak, pero kahit boy o girl man ito, ang importante daw ay malusog ito. Pero si Zia, ang wish daw nito sa nakaraaang birthday niya ay magkaroon ng brother. Nagdiwang ng 3rd birthday si Zia sa Disneyland dahil ito daw ang gusto niya.
Iba pang babies:
Samantala, nagkaroon din ng baby shower para sa magiging anak nina LJ Reyes at Paolo Contis noong November 25 sa Rockwell Center sa Makati. Baby girl ang kanilang magiging anak na papangalanan nilang Summer Ayanna. Ito ang pangalawang anak ni LJ, ang panganay niyang anak kay Paulo Avelino na si Ethan Akio, ay nag-aaral na, at malapit daw kay Paolo.
Si Paolo ay may dalawa nang anak na babae sa dating asawang si Lian Paz, sina Xalene Abriana at Xonia Aitana, na parehong naninirahan na sa Cebu kasama ang kanilang ina at bago nitong pamilya.
Isinilang naman ni Isabel Oli ang pangalawang anak nila ni John Prats, na isang malusog na baby boy noong November 26. Pinangalanan nila itong Daniel Freedom. Ang panganay nilang si Lily Feather ay dalawang taon na.
SHARON, BINIGYAN NG SINGSING SI REGINE
Nagulat ang mga nanood ng Regine At The Movies concert ni Regine Velasquez noong November 24, nang biglang bigyan siya ng singsing ng kanyang guest na si Sharon Cuneta. Balitang kulang-kulang sa isang milyon ang halaga nito, na ipinasadya pa ni Sharon sa isang jeweler at inspired daw ng cocktail flower diamond ring na suot ng Hollywood actress na si Kim Catrall sa pelikulang “Sex and the City” noong 2008. Malaking bulaklak ang disenyo nito na nakasuot sa dalawang magkatabing daliri.
Bilang kapalit, tinanong ni Sharon si Regine kung ano ang ibibigay nito sa kanya, at sinagot ito ni Regine ng “sa iyo na ang asawa ko!”. Tinanong din ni Regine kung pwedeng isanla ang singsing, at ang sabi ni Sharon “Ay, huwag naman!”. Kinabukasan ay nakitang suot pa rin ito ni Regine sa live show na ASAP.
Kilala si Sharon bilang isa sa pinaka-galanteng mag-regalo sa showbiz.
CHRISTIAN AT ANDREA, MAY SHOW PARA SA OFWs
May espesyal na handog ang GMA Pinoy TV para sa mga kababayang OFWs na uuwi sa Pilipinas ngayong Disyembre, ang “Awit ng Pasasalamat: A tribute to Overseas Filipinos”. Gaganapin ito sa December 15 sa Newport Performing Arts Theater sa Resorts World Manila. Pangungunahan nina Christian Bautista, ang tinaguriang Asia’s Romantic Baladeer; at Kapuso actress na si Andrea Torres ang mga performers. Special guest performers naman sina Joey Ayala, Rose Fostanes, Tanya Darwood at marami pang iba.
Ang organizers ng naturang concert ay ang Advocates and Keepers Organization of OFWs, sa pakikipagtulungan sa Bantay OFWs Inc, at JSP Events, at exclusive media partner ang GMA Pinoy TV, ang international channel ng GMA Network. Ang kikitain sa naturang show ay ido-donate para sa pagbili ng mga medical equipment para sa OFW ward ng Pasay General Hospital.
Ang mga tiket para sa Awit Pasasalamat ay nagkakahalaga ng Php 850, P1,200, P1,500, P3,000 AT P5,000. Ticket inquiries: visit www.ticketworld.com.ph or call Doc Chie Umandap at 0908-128-7864.
INSPIRATIONAL SONG NI CATRIONA GRAY, TOP SA i TUNES PH
Hindi lang bilang isang beauty queen, isa ring mahusay na mang-aawit si Catriona Gray, ang pambato ng Pilipinas sa darating na Miss Universe Beauty pageant sa na gaganapin sa Bangkok Thailand sa December 17.
Ang kanyang single na “We’re In This Together” ay nag-number one na sa iTunes Philippines. Ito ay isinulat at nilapatan ng musika ni Marcus Davis, at produced ng Young Focus International, kung saan matagal nang tumutulong si Catriona.
Bago naging beauty queen at model, si Catriona ay nag-aral ng musika at nakakuha ng Master Certificate in Music Theory sa Berklee College of Music sa Boston.
Ipinamalas niya ng husay niya sa pag-awit noong nakaraang linggo sa ASAP, nang makipag-sabayan siya kina Piolo Pascual, Ogie Alcasid, Inigo Pascual at Daniel Padilla.
Si Catriona ay nanalo ring Miss World noong 2016.
SUPORTAHAN PO NATIN ANG ATING MGA SPONSOR: