Marami sa ating mga kababayan ang nagugulat dahil nitong mga
nakalipas na mga araw at buwan ay sunud-sunod ang napapabalitang mga kasambahay
na Pilipino na nahuling nagnakaw ng malalaking halaga ng pera o alahas mula sa
kanilang mga amo.
Karamihan sa mga nakabasa sa mga balitang nakalap namin sa
mga korte ng Hong Kong ay halos hindi
makapaniwala na ganoon kalalaki ang halaga ng kinulimbat ng kanilang mga
kababayan at kapwa kasambahay.
Nagtataka sila kung bakit nagawa iyon ni Ate, kung ano ang
nagtulak sa kanya upang magnakaw at lalo pang ipapahiya ang ating lahi sa mga
tagarito.
Mayroon ding nagsasabi na baka napagbintangan lang si Kabayan
tulad ng nangyari sa ibang mga kasambahay na ginawan ng kaso ng mga amo nila sa
di malinaw na dahilan.
Ang nakakagulat sa mga kaso ng pagnanakaw na isinampa laban
sa mga kababayan natin nitonng mga nakalipas na araw o buwan ay kinasasangkutan
ng malalaking halaga ng pera at mga personal na ari-arian ng mga biniktima
nila.
Sa nakalipas na anim na taong sinusubaybayan namin ang mga
kasong isinasampa sa korte laban sa mga kababayan natin ay nitong mga nakalipas
na buwan lang nagkaroroon ng malalaking halagang tulad ng nababalita sa mga pahayagan
ngayon.
Kami man ay nagtataka kung bakit nagkaganoon. Dati-rati ay
maliliit na halaga lamang ang kinukuha ng mga nasasakdal sa kanilang mga amo,
at bihirang umabot iyon sa $10,000. Ngayon ay parang pangkaraniwan na ang
humihigit sa $50,000 ang nakawan.
Hindi namin isinasama rito ang maliliit na nakawan sa mga
supermarket, mga pandurukot sa matataong lugar, at yaong pagdagit sa mga
kagamitang tulad ng cellphone at iba pa.
At tinutukoy namin ay yaong mga nakawang naganap sa mismong
bahay ng mga amo, dahil doon nakatira sa mismong bahay ng biktima ang
nasasakdal.
Ang mga ganitong nakawan ay may mabigat na kaparusahan kaysa
sa iba dahil kasangkot dito ang “breach of trust” o pagsira sa tiwala ng amo.
Ang biktima ay nagtiwala sa tao, pinatuloy ito sa kanyang bahay, binigyan ng
trabaho, pagkain at kalinga habang ito ay nasa malayo at naghahanapbuhay para
sa kanyang pamilya.
Mahirap ipaliwanag kung bakit sa kabila ng pagpapatuloy at
pagbibigay ng trabaho ng mga amo sa isang dayuhan ay nagagawa niya silang
biktimahin. Tandaan natin na ang mga nakawang ganito ay nagaganap kahit saan
bansa, at maski sa mismong bayan natin.
Ang paliwanag ng mga psychologist ay isang sakit sa
pag-iisip ang pagnanakaw, lalo na ang paulit-ulit na pang-uumit.
Ngunit ang ganitong uri ng sakit, na “kleptomania” sa wikang
Ingles at binansagan nating “kati ng kamay,” ay kadalasang kinasasangkutan
lamang ng maliliit na halaga.
Ayon sa mga psychologist, hangad lang ng tao na maibsan ang
kagustuhang niyang magnakaw, kahi wala pang halaga ang makukulimbat niya.
Hindi natin masasabi na kleptomania ang nagbunsod sa mga kaso
ng pagnanakaw kamakailan dahil sa laki ng mga halagang kinuha ng mga
nasasangkot. Maliwanag na ang nag-udyok sa kanila ay kasakiman, at ito rin ang
inamin nila sa pulisya.
Ano ang nagbunsod sa kanila upang magnakaw?
Maraming maaaring dahilan, tulad ng matinding
pangangailangan. May mga taong nagnanakaw dahil nagugutom sila at ang kanilang
pamilya. Mayroon ding nagnanakaw para lamang sa kasiyahang idinudulot niyon sa
kanila.
May nagnanakaw upang may ibabayad sa utang, na nagsimula sa
pagsunod sa mga luho, o pagkakalulong sa masasamang bisyo tulad ng sugal, droga
at pambababae o panlalalaki.
May mga natutukso dahil sa nakikita nilang kayamanang
abot-kamay nila, ang pera at alahas ng mga taong pinaglilingkuran nila. Marami
kasambahay dito ang nagsasabing pakalat-kalat lang ang pera at alahas ng mga
amo nila sa bahay.
Nakasanayan kasi ng mga taga-Hong Kong na ilapag kung
saan-saan sa loob ng bahay ang kanilang mga ari-arian dahil tiwala silang
walang kukuha sa mga iyon. Ang turo kasi sa kanila mula pa sa pagkabata ay huwag
kukuha ng bagay na hindi sa kanila.
Taliwas ang aral na ito sa nakasanayan sa Pilipinas na kapag
ang isang bagay ay nakitang pakalat-kalat sa kalsada, sa sasakyan o sa pasyalan
ay iniuuwi at inaangkin ito ng nakapulot at sasabihing pang ito ay hulog ng
langit.
Itinuturo rin naman sa mga mag-aaral sa Pilipinas na huwag
aangkin ng mga bagay na hindi sa atin. Ngunit ang pangaral na ito ay hindi isinasapuso
ng mga taong dapat ay siyang mangunguna sa pagsunod dito.
Nakikita ng mga mamamayan na ang mismong mga opisyal ng
pamahalaan ay nagnanakaw sa kaban ng bayan sa iba’t ibang paraan.
Hangga’t hindi nawawala ang masamang ehemplo ng mga namumuno
ay may idadahilan ang mga magnanakaw upang gayahin sila sa sariling bayan o sa
ibang bansa.
Samakatwid, kailangang-kailangan ng bansang Pilipino ang malinis
na pamumuno. -- Ni Vir B. Lumicao
CALL US FOR MORE DETAILS |
PRESS FOR MORE DETAILS |