Si Ledesma at ang kanyang partner sa labas ng korte matapos siyang maabswelto |
Nakahinga nang maluwag kanina si Rolando Ledesma, 54 taong gulang at dating musikero, matapos siyang mapawalang-sala sa Eastern Court, tatlong buwan mula nang ipahuli ng kapitbahay niyang Indian dahil diumano sa pagbabanta sa kanyang buhay.
Hindi
na nag-aksaya ng panahon ang abugado ni Ledesma na sagutin ang inilatag na
ebidensya ng tagausig dahil lumitaw sa isinagawang pagtatanong ng magkabilang
panig sa nagreklamong si Singh Santokh na panay kasinungalingan ang sinasabi nito.
Pati ang anak na dalaga ni Singh na tumestigo din ay hindi naging malinaw ang pagsasabi kung talaga bang sinabihan ni Ledesma ang kanyang ama ng, “I will kill you” na aniya ay nakunan pa niya ng video.
Pindutin para sa detalye |
Dahil sa paulit-ulit at paligoy-ligoy na pananalita ni Singh na nasa mga edad 70 ay nasigawan pa ito ni Magistrate Jeffrey Sze ng tatlong beses para lang ito patigilin.
Halatang halata ang pagpipigil ng mahistrado, pero
noong bandang huli ay nagalit na nang husto at sumigaw ng napakalakas na “Stop”
nang kabog-kabugin ni Singh ang mesa habang sinasagot ang mga tanong ng abugado
ni Ledesma.
Pagkatapos ng ilang oras na pagdinig ay hiniling ng
panig ni Ledesma na ideklara ng korte na wala siyang dapat isagot sa mga
paratang sa kanya dahil halatang nagsisinungaling ang mag-ama nang tumestigo
sila.
PINDUTIN PARA SA DETALYE |
Ayon pa sa abugado matagal nang may hidwaan ang
pamilya nina Ledesma at ni Singh, at dahil dito ay ilang beses nang tumawag ng
pulis ang Indian dahil sa bintang na ninanakawan siya ng Pilipino, pero hindi
siya pinapansin.
Lumitaw pa sa pagtatanong sa anak ni Singh na laging
kinukunan ng Indian ang pamilya ni Ledesma tuwing lalabas sila ng kanilang
kuwarto, bago sumakay sa lift.
Nang tanungin ang dalaga tungkol dito, sinabi niya
na ginagawa ito ng kanyang ama para mangalap ng ebidensya.
PINDUTIN PARA SA DETALYE |
Sa kanyang hatol, sinabi ng mahistrado na walang
obligasyon si Ledesma na depensahan ang sarili, at ang tagausig ang dapat
magpatunay na malinaw at walang kaduda-duda na may ginawa itong krimen.
Dagdag ng hukom, malinaw na nagsisinungaling si Singh
sa korte. Halimbawa, sinabi niya sa kanyang sinumpaang salaysay sa pulisya na
dalawang beses siyang sinabihan ni Ledesma ng “I will kill you” pero nang
tanungin siya sa korte ay sinabi niyang isang beses lang siya nasabihan nito.
Pindutin dito |
Sinabi din ni Singh na nangyari ang pagbabanta ni Ledesma
pagkatapos niya itong sundan sa lift pagkalabas ng kanilang tirahan, pero
malinaw sa video na kinunan mismo ng kanyang anak na nasa tabi na siya ng lift
nang pumasok ang Pilipino dito.
Pati ang anak ni Singh ay napatunayang nagsisinungaling
din, sabi ni Sze. Lumitaw kasi na hindi nito talaga naintindihan ang sinabi ni
Ledesma nang makapasok ito sa lift, kaya niya ito tinanong ng “Sorry?”
Malinaw din, ayon sa hukom, na ang pagsasabi nito na
may ginawang pagbabanta ang akusado ay nabuo lang sa isip niya matapos panoorin
nang paulit-ulit ang kinuha niyang video.
Ayon sa hukom, siya mismo ay ilang beses pinanood at
pinakinggan ang video pero wala siyang narinig na sinabi ni Ledesma ang “I will
kill you.”
Dahil dito ay kailangang mapawalang sala si Ledesma,
sabi ni Sze.
Nangyari ang insidente noong ika-2 ng Hulyo nang
kasalukuyang taon sa hinati-hating flat sa Cheung Yuen Street sa North Point
kung saan nakatira ang dalawang pamilya.
Nagkaroon sila ng pagtatalo ayon kay Singh matapos
buksan ni Ledesma ang pintuan sa kanilang kuwarto, at pagsabihan niya ito na
isara ang pinto.
Nang tanungin siya sa korte kung bakit niya ito
pilit pinapasara ay dahil daw may mabahong amoy na nagmumula sa kuwarto kung
saan nakatira si Ledesma, ang kanyang partner at dalagang anak.
Hindi rin itinanggi ni Singh na mahigit 20 beses na
niyang tinangkang ipahuli si Ledesma sa pulis dahil diumano sa pagnanakaw sa
kanya. Ipinagpilitan niya na may ebidensya sya na magpapatunay sa bintang,
kahit hindi siya pinaniwalaan ng mga pulis.
Pinagmalaki pa ng matandang Indian na sa loob ng
pitong taon niyang paninirahan sa Hong Kong ay hindi siya nakasuhan ni minsan.
Ayon naman kay Ledesma at kanyang partner ay pinagpapasensyahan
na lang nila ang kapitbahay dahil ayaw nila ng gulo. Pilit din nila itong
inuunawa.
Sabi pa ni Ledesma, “Ayaw niya yata yung amoy ng
baboy na kinakain namin.”
Pero sa loob ng pitong buwan na paninirahan nila sa
flat katabi si Singh ay hindi na natahimik ang kanilang buhay. Bukod sa
palaging pagsusumbong nito sa pulis laban sa kanila, lagi din nitong
binabantayan ang paglabas-masok nila sa kanilang sariling bahay.
Gusto na rin daw itong paalisin ng may-ari ng flat
dahil maingay at mahilig mang-away, pero hindi nila magawa.
“Pero siguro para matahimik kami ay kami na lang ang
aalis,” sabi ni Ledesma.
PADALA NA! |
CALL US! |