Ang litratong ibinahagi ni Maricel, na nagsabing budol ang ginawang pagsingil sa kanila ng $200 |
Sa panahon ngayon na sunod-sunod ang mga araw ng piyesta opisyal, tiyak na marami na namang mga Pilipina ang magagawi sa may higanteng ferris wheel sa Central, at maeengganyong magpakuha ng litrato suot ang mga kakaibang gown o costume.
Marami sa kanila ang magrereklamo pagkatapos at
sasabihing nabudol sila dahil ang inaakala nilang $20 na bayad katao ay aabot
sa $200 o higit pa.
Kabilang sa kanila si Maricel Pascual, na nagbahagi
sa mga kapwa miyembro sa grupong DWC Help and Learning sa Facebook kung paano
sila nabudol diumano ng nag-alok ng litrato sa kanila ng isang kaibigan.
PINDUTIN PARA SA DETALYE |
Imbes sa inakala nilang tig-$20 na bayad nila ay
umabot daw sa $200 ang kanilang binayad.
Sabi niya sa post niya, “Nabudol na ba lahat o magpapabudol
pa?” na dinagdagan niya tatlong emoticon na tumatawa.
Ganito din ang sinabi ni Rebecca Eduava na nagbayad
daw ng $240.
“Last money pa kasi sabi tag $20. Ako naman way alam, sige picture. Sabi niya (photographer), like this, like that.. nemeelll oeee”
PINDUTIN PARA SA DETALYE |
“Same here,” sabi naman ni Eah B Taj.
“Akala ko mag shot siya, tapos papipiliin ka lang ng
gusto mong picture e hindi pala dahil lahat ipapabayad say o. Tig $20 kada
photo, pero halos sampu naman ang shots niya, tapos sasabihan ka ng costume
change. Akala ko naman libre ang costume pero parang kasama din pala sa charge,
hahaha”
Salo naman ni Lilibeth Calda, “Buti na lang na post
ninyo, aware na ako, Salamat sa info, kabayan.”
Pindutin dito |
Sa kasagsagan ng pandemya ay kabilang din sina Lovely A. at isang kaibigan, na pareho pa namang walang trabaho noon, sa mga nataranta nang bigla silang singilin ng $240 ng Intsik na kumuha ng litrato, matapos silang sabihan na tig $20 lang bayad.
Hindi daw malinaw sa sinabi sa kanila na $20 ang
bawat kuha, at dapat nila lahat bayaran ang mga litrato na kaagad ding ipi
print kaya hindi na nila makuhang tanggihan.
“Mabuti na lang at may pera ang kaibigan naming si
Grace kaya inutangan na lang namin siya.”
Si Cherry Z. at isang kaibigan ay ganitong ganito
din ang kwento. Bilang bagong salta sa Hong Kong noong 2021 ay mabilis silang
naengganyo na magpakuha ng litrato sa Intsik na lalaking nag-alok sa kanila sa
kaparehong lugar, na $20 lang din ang sinabing halaga.
Ang tuwa nila sa mga kakaibang litrato nila sa Hong
Kong ay biglang napalitan ng inis nang sabihin na sa kanila kung magkano ang
dapat nilang bayaran.
Sabi ng ilan, itanong munang maigi ang presyo bago mag pose nang mag pose |
Pero meron ding ilan na nagsabi na hindi naman manloloko ang mga kumukuha ng litrato doon.
“Ask nyo kasi (nang) maayos,” sabi ni Eh Dhe Lone. “Ako
bago ako mag po pose diyan (ay) tinatanong ko talaga ng maayos at yun nga, may
limit sila per person. At least five poses each. So hindi lang $50 o $60 ang
babayaran mo kasi kung makailang pose ka, yun ang kukwentahin nila.”
Ang ginawa daw niya ay nag pose lang siya ng limang
beses, at yun lang ang binayaran niya.
Sagot naman ni Madonna Calawagan, tinanong naman daw
nila nang maigi ng kaibigan niya kung magkano ang babayaran nila, tapos ay
pinili ang mas malaking sukat na ayon sa litratista ay $30 anng presyo.
“Inulit pa namin, $30 ang isa nito, at ang sabi,
oo.Tapos sinabi pa naming 2 lang ang kukunin naming, so magkano ang bayad namin,
$30 lang daw talaga so nag ok kami. Panay picture sya sa amin, akala naman naming nag picture sya ng marami para pagpilian naming…noong
nakapili na kami siningil kami ng $300.”
Bagamat karamihan ng mga sumagot ay patawang inamin
na naloko din sila sa alok na $20 o $30 kada tao ay may ilan ding nagsabi na
hinding hindi sila magpapakuha doon kasi mukhang hindi nalalabhan ang mga
damit, at siguradong marami na ang gumamit ng mga iyon.
Ayon kay Len MayElen, “Hahaha never (akong) nabudol
diyan kasi di interesado. Malay ko kung di nilalabhan mga costume nila na yan,
dami ng nagsusuot, tapos (kung) ang nakasunod mo may anghit pa, eh di wow,
nangamoy na din kilikili mo? Saka isa pa, sayang ang dollars, may cp naman na
unli selfie.”
Malinaw man o malabo ang alok ng mga litratista na
mukhang mga domestic helper ang kadalasang tina target sa kanilang alok na
serbisyo, maganda na rin na napag-usapan ang sari-saring karanasan ng mga
nakasubok na nito, para hindi na madagdagan pa ang mga nakakaramdam na nabudol
sila sa bandang huli.
Ang mas mahalaga, isang leksyon ito sa lahat na mag-ingat bago pumasok sa usaping may pera na sangkot. Think before you leap, o mag-isip bago tumalon, ika nga.
PADALA NA! |
PRESS FOR DETAILS |