|
Ang paggala-gala ng akusado sa isang gusali sa alley na ito ay nagdulot daw ng takot sa babae |
Isang Pilipino na walang trabaho ang ibinalik sa
kulungan kanina matapos tanggihan ng mahistrado ang hiling niya na payagan
siyang magpyansa sa halagang $1,000.
Si John R.G. Salangsang, 27 taong gulang, ay
nahaharap sa kasong “loitering causing concern” o ang paggala na nagdulot ng
pagkabahala sa ibang tao.
Ayon sa sakdal, nangyari ito noong September 3 sa 4th
floor ng Tung Wo House sa Li Yuen Street West, Central. Ang kanyang
pag-istambay sa lugar ay nagdulot daw ng takot at pangamba sa isang babae.
Sa kanyang pagharap sa korte, sinabi ng kanyang
abugado na makakapaglagak daw agad ng piyansa ang akusado dahil nasa korte ang
asawa nito, pero hindi pumayag si Mahistrado Minnie Wat.
Ayon sa hukom, dati na raw nagtangka si Salangsang
na takasan ang kaso, at mabigat ang ebidensya laban sa kanya. Wala din daw
itong matibay na koneksyon sa Hong Kong na maaring magbigay ng dahilan para
hindi siya tumakbong muli.
Gayunpaman, itinakda niya ang muling pagdinig sa
hiling na piyansa ng nasasakdal sa September 1 sa court no 1, kung saan siya
unang sinampahan ng kaso.