|
Ang paglilitis ay nakatakdang isagawa sa Shatin Court |
Magsisimula sa Sept. 29 ang paglilitis sa isang Pilipinang
domestic helper na inakusahang lumabag sa kondisyon ng kanyang pamamalagi sa
Hong Kong dahil nagtrabaho nang ilegal.
Nauna rito, itinanggi ni Hazel Faith Necesario, 36 taong
gulang, ang kasong unang inihain sa Fan Ling Courts at inilipat sa Shatin
Courts, na sentro ng mga kasong may kinalaman sa Immigration.
Pagkatapos tanungin ni Deputy Magistrate Melvin Ho ang mga paghahanda
ng taga-usig at abogadong nagtatanggol kay Necesario, pinakawalan siya sa
piyansang $800.
Isa si Necesario sa 10 manggagawa at dalawang employer na
nahuli sa dalawang operasyon na isinagawa ng Immigration Department noong May 2-4, at kinasuhan ng pagtatrabaho kahit bawal.
Nag-raid ang mga operatiba ng Immigration sa 22 target na lugar,
gaya ng mga restaurant,mga tindahan, isang
dance studio, at isang tindahan ng gulay.
Sinabi ng Immigration Department na ang pagtatrabaho nang
ilegal ay may parusang multa na aabot sa $50,000 at pagkabilanggo ng hanggang
dalawang taon.
Ayon sa taga-usig, si Necesario ay nahuli noong May 4 habang
nagtatrabaho sa isang tindahan sa Hung Hom nang walang permiso ng Immigration
Labag ito sa kondisyon sa paglalagi niya sa Hong Kong bilang
domestic helper, na nagsasabing magtatrabaho lamang siya sa bahay ng among
pinangalanan sa kontratang inaprobahan ng Immigration noong Jan. 7, 2023, na si
Shiu Kwan Sherran.