|
Binitawan ng magistrate ang kaso dahil lampas ang halaga ng ninakaw sa pwede nitong dinggin. |
Iniakyat sa District Court kahapon (Sept. 12) ang kaso ng
isang Pilipinang domestic helper dahil ang akusasyong nagnakaw siya sa kanyang
amo ng $540,000 ay higit sa pwedeng dinggin ng isang magistrate’s court.
Ito rin ang dahilan kung bakit hindi nakapagpiyansa si
Cyryll Rosete, 43 taong gulang, sa West Kowloon court at ibinalik sa kulungan.
Itinakda ni Acting Principal Magistrate Veronica Heung ang
unang pagdinig ni Rosete sa District Court sa Oct. 3.
Ayon sa salaysay na inihain ng Mong Kok District Police sa
korte, ang pagnanakaw ay naganap sa bahay ng amo ni Rosete sa Harbor Green sa
Tai Kok Tsui.
Hindi sinabi sa akusasyon kung paano umabot ang ninakaw sa
kabuuang $540,000, pero ayon sa inamyendahang sakdal ito ay nangyari mula Pebrero hanggang
July 1 ngayong taon.
Ayon sa Section 9 ng Theft Ordinance, na pinagbatayan ng
kaso ni Rosete, ang pinakamataas na sentensiyang pwedeng ipataw sa nagkasala ay
10 taong pagkabilanggo.