|
Dininig ang kaso laban sa OFW mula Dubai sa West Kowloon Court |
Naunsiyami ang pag-uwi sa Pilipinas ng Isang Pilipinang domestic
helper mula sa Dubai matapos mahatulan kanina ng walong buwang pagkabilanggo dahil
sa pagnanakaw sa eroplanong sinasakyan niya.
Si Joana Ramos, 24 taong gulang, ay unang pinatawan ng isang
taon sa kulungan, pero binawasan ito ng 1/3 (o apat na buwan) ni Acting
Principal Magistrate Veronica Heung dahil sa kanyang pag-amin nang humarap sa
West Kowloon Court.
Naganap ang pagnanakaw noong Aug. 14 habang lumilipad ang isang
eroplano ng Cathay Pacific na sinasakyan ni Ramos.
Inakusahan ng isang kapwa pasahero si Ramos na kumuha ng pitaka nito na naglalaman ng cash na US$925 at 150 Arab Emirate Dirham.
Nang ireklamo siya ng may-ari ng wallet, na kapwa niya Pilipina,
itinawag ng piloto ang kaso sa Hong Kong airport, kung saan papunta ang
eroplano para sa stopover.
Naghihintay na ang pulis para arestuhin si Ramos nang
lumabas siya sa eroplano.
Sinampahan siya ng paglabag sa Theft Ordinance na nagpaparusa
ng pagnanakaw ng hanggang 10 taon na pagkakulong, at sa Aviation Security Ordinance na nagsasabing
ang krimeng naganap sa isang lumilipad na eroplanong kontrolado ng Hong Kong, ay
ituturing na krimeng naganap sa Hong Kong.