Ganito ang gayak ng amo ni Lyn nang hatakin siya mula sa kama at saktan noong July 14 |
Sa loob ng mahigit isang taong pagtatrabaho sa lalaking amo na hiwalay sa asawa ay paulit-ulit na nakaranas ng pambabastos si Lyn, 29 taong gulang, balingkinitan ang katawan, at maamo ang mukha.
Ayon kay Lyn, ilang
beses siyang hinipuan at niyakap ng amo pero dahil sa takot ay tiniis niya ang
lahat ng ito, at nakontento na lang sa pagtawag-tawag sa mga kaibigan para
maglabas ng sama ng loob. Pero tanda niya ang lahat ng mga insidenteng ganito,
kaya alam niya na ang pinakahuling pang-aabuso sa kanya ay nangyari noong Mayo
lang.
Nitong July 14
ay sumabog lahat ang kanyang galit dahil ginising siya ng madaling araw
at sinaktan ng among lasing dahil lang hindi niya naluto nang mabuti ang manok na pinakain sa anak nito na limang taong gulang.
PINDUTIN PARA SA DETALYE! |
Ayon kay Lyn,
bandang 2:30 ng madaling araw nang bigla siyang hilahin mula sa kama ng amo,
sinabunutan at kinalmot, bago pinagsisigawan.
Agad na tumawag
ng pulis si Lyn at bumaba sa bahay ng amo noon din na mga gamit
lang ang dala at walang bayad. Gusto na lang kasi niyang makaalis sa bahay na
iyon na naging saksi sa lahat ng mga pagdurusa niya.
Ang masaklap
lang ay pauwi sana siya noong July 18 para magbakasyon at makapiling ang asawa at anak sa La Union, at ang perang pinambili
niya ng tiket ay galing sa sarili niyang bulsa. Ayon kasi sa amo niya ay
babayaran nito ang kalahati ayon sa kanilang kontrata, kapag nakabalik na siya.
|
Ngayon, kasama
ito sa mga gusto niyang singilin sa amo, bukod pa sa mahigit $14,785 na dapat
bayaran sa kanya para sa suweldong hindi nabayaran ng buo, isang buwang sahod
kapalit ng pasabi, annual leave, traveling allowance at panibagong tiket dahil
ang inabonohan niya ay hindi nagamit dahil sa ginawang pananakit sa kanya.
“Gusto ko din po
sanang bayaran niya yung tiket na hindi ko nagamit sa pamemerhuwisyo niya,”
sabi ni Lyn.
Pinayuhan din si Lyn ng kanyang case officer sa Mission for Migrant Workers na ituloy ang reklamo niya sa pulis hindi lang dahil sa ginawang pananakit sa kanya ng amo, kundi pati rin ang ilang buwang pang-aabuso na sinapit niya sa kamay nito.
BASAHIN ANG DETALYE |
Ayon kay Ester Bangcawayan ng Mission, maari ding magsampa ng kaso si Lyn sa Equal Opportunities Commission sa ilalim ng Sex Discrimination Ordinance dahil sa pangmomolestiya na ginawa sa kanya ng amo.
Nakatakda siyang
makipagharap sa amo sa Lunes sa Labour Department para pag-usapan ang mga
sinisingil niyang pera mula dito.
PINDUTIN PARA SA DETALYE |
Ilang araw pagbaba niya sa bahay ng amo ay pinapadalhan siya ng mga mensahe nito, at sinisisi dahil nilagnat daw ang anak niya at si Lyn ang hinahanap. Pero ayon sa nobya nito na madalas ding tumira sa bahay ng lalaki ay gusto daw siyang pabalikin at kung pera ang gusto niya ay mapag-uusapan nila. Huwag na lang daw niyang kasuhan ang amo.
Bagamat napalapit na rin sa alaga ay nanatiling matigas si Lyn sa pagdedesisyon na huwag nang bumalik sa bahay ng amo. Gayunpaman, pinanghihinaan siya ng loob, at sinabing ayaw na niyang kasuhan ang amo at gusto na lang makuha ang perang dapat nitong ibayad sa kanya.
BOOK YOUR FLIGHTS NOW! PRESS FOR DETAILS |
“Ayoko na, gusto ko na lang umuwi,” ang paulit-ulit niyang sabi.
Umaasa naman ang mga tagapayo niya sa Mission na pag-iisipan niya munang maigi ang susunod niyang hakbang. Kailangan niyang ipaglaban ang karapatan niya, at papanagutin ang amo sa lahat ng mga kasalanang ginawa nito.
Malamang naman daw
na payagan siya ng Immigration Department na makalipat sa ibang amo nang hindi
na kailangang umuwi muna sa Pilipinas. Mabigat din ang laban niya dahil marami
siyang ebidensya katulad ng video, litrato ng mga galos niya sa mukha at braso,
at mga chat nila sa telepono.
BASAHIN DITO |
Pero sa bandang
huli, ang desisyon pa rin ni Lyn ang mananaig. Sana lang daw ay hindi niya ito
pagsisihan balang araw, at sana ay wala na ring migranteng kasambahay ang
magdusa sa kamay ng kanyang amo.
PADALA NA! |