|
Ang bangkay ay nakitang nakaipit sa tabi ng Tsing Yi Public Pier (Wikimedia photo) |
Ang Pilipinang nakitang patay sa Tsing Yi pier noong
Huwebes ng umaga ay isang domestic helper na limang araw nang nawawala.
Ito ang sinabi ni Department of Migrant Workers
Undersecretary Hans Cacdac, sa isang panayam ng GMA News nitong Biyernes.
Ayon kay USec Cacdac, nagpaalam na magde day off ang
Pilipina sa kanyang amo noong Linggo pero hindi na umuwi. Agad naman daw ini
report ng amo sa pulis ang kanyang pagkawala.
Bandang 6:30 ng umaga nitong Huwebes ay nakita ng
isang dumaraan ang bangkay ng Pilipina na nakaipit sa gilid ng pier, at agad
tumawag ng pulis. Kinailangang tawagin pa ang mga bumbero para matanggal ang
katawan sa pagkakaipit nito.
Wala daw suicide note na nakita sa biktima.
Kinilala ng pulis ang biktima na 51 taong gulang at
may HKID card, at nakasuot ng pang exercise. Naagnas na daw ang katawan nito,
at maga at nag-iba na ang kulay, tanda na matagal na itong nakababad sa tubig.
Ayon kay USec Cacdac, naipaalam na sa pamilya ng
nasawi ang kanyang pagkamatay. Mismong ang gobyerno ng Hong Kong daw ang
nagpaalam sa Department of Foreign Affairs at DMW tungkol sa pagkadiskubre ng bangkay ng Pilipina.
Tututukan daw nila ang imbestigasyon para malaman
ang sanhi ng pagkamatay ng Pilipina. Samantala, aasikasuhin daw ng DMW sa pagpapauwi
ng kanyang labi sa tulong ng DFA.