Responsive Ad Slot

Latest

Sponsored

Features

Buhay Pinay

People

Sports

Business Ideas for OFWs

Join us at Facebook!

Mandatory pa rin ang PhilHealth membership

21 June 2023

 

Si Aseron (nakaitim) habang nagpapaliwanag tungkol sa mga serbisyo ng PhilHealth

Na-freeze lang sa 4% ang contribution sa PhilHealth sa taong ito, pero tuloy pa rin ang mandatory o pwersahang pangongolekta nito sa mga Pilipino, kahit yung mga nasa labas ng bansa, overseas Filipino worker man o residente.

Ito ang sinabi ni Delio Aseron, director ng PhilHealth sa Region 10, sa isang pagbabahagi noong Linggo na hapon na ginawa sa Konsulado.

Ayon kay Aseron, nasa RA 11223 o mas kilala bilang Universal Health Care Law, ang mandato na magbayad ang lahat ng mga Pilipino na edad 21 pataas ng contribution sa PhilHealth. Ang mga hindi sakop nito ay yun lang mga edad 60 pataas, may kapansanan, o yung talagang walang kakayanan.

PINDUTIN PARA SA DETALYE!

Bilang tugon sa tanong ng isang lider ng komunidad sa Hong Kong, sinabi din nya na alinsunod sa parehong batas, kailangang magbayad ng multa na 1.5% ng buwanang kontribusyon ang mga hindi nakapagbayad magmula noong November 2019, kung kailan naging epektibo ang batas.

Ang nabago lang daw sa ngayon ay ang pananatili ng kontribusyon sa 4% ng buwanang kita ng isang miyembro ang babayaran sa taong kasalukuyan, imbes ang 4.5% na nakasaad sa batas. Pero sa darating na taon ay aakyat na ito sa 5% kung di mababago ang batas.

Ibig sabihin, sa Php33,000 na kasalukuyang katumbas ng pinakamababang sahod ng isang migranteng manggagawa sa Hong Kong, ang buwanang kontribusyon ay Php1,230 o P15,840 bawat taon. Sa 2024 ay aakyat ito sa P1,650 bawat buwan o P19,800 sa isang taon.

BASAHIN ANG DETALYE

Kapag hindi nakapagbayad noong panahon ng pandemya na tumagal ng tatlong taon, ang interes nito sa unang taon ay P237.60 at compounded o magpapatong-patong pa sa mga sumunod na taon.

Nabigla ang karamihan sa mga OFW na dumalo sa pulong sa mga halagang binanggit ni Aseron, dahil tutol na tutol sila sa pagpipilit na magbayad sila para sa PhilHealth, bukod pa sa SSS, PagIBIG , OWWA at iba pang singilin ng gobyerno.

“Grabe!” ang malakas na sinabi ng isa sa kanila, nang mapagtanto kung gaano kabigat ang magiging pasanin nila kung sakaling mapupwersa silang magbayad para sa health insurance sa bansa ngayon.

Pindutin para sa detalye

Ang maganda lang sa ngayon ay may panukala na ang mga senador na sina JV Ejercito at Raffy Tulfo na tanggalin ang pagiging mandatory ng kontribusyon ng mga OFW, at huwag na rin sila papagbayarin ng interest.

Sabi pa ni Aseron, may panukala din na huwag nang ipasagot sa mga OFW ang kalahati ng kontribusyon na parte sana ng kanilang employer, at ang gobyerno na lang ang magpupuno sa bahaging ito.

Sa ilalim kasi ng RA 1223 ay ginawang direct contributors ang mga OFW, na ang ibig sabihin ay babalikatin nila ang buong bayad na 4% ng kanilang buwanang suweldo. Sa mga nagtatrabaho sa Pilipinas ay laging kahati ang employer.

Nagprotesta ang ilang mga OFW laban sa mandatory collection bago ang ginanap na pulong

Minungkahi ni Aseron na sumulat ang mga OFW ng kanilang mga panukala o reklamo sa bagong pamunuan ng PhilHealth na pinangungunahan ng kanilang acting President at Chief Executive Officer na si Emmanuel R. Ledesma, at sa bagong talagang Secretary of Health na si Ted Herbosa.

EXTENDED TO JUNE 30!!

Dagdag niya, wala siyang kakayanan na sagutin ang mga hinaing ng mga OFW dahil tagapatupad lang  daw sila sa PhilHealth, at tanging ang Kongreso lang ang maaring magbago ng batas.

Agad itong inalmahan ni Dolores Balladares, tagapamuno ng United Filipinos in Hong Kong na nagsabi na wala naman daw palang patutunguhan ang pag-uusap kung ganoon ang sagot ng mga PhilHealth.

Pinaalala din niya na ilang sulat na ang ipinadala ng mga grupo sa Hong Kong sa pamunuan ng PhilHealth para tutulan ang mandatory collection, pero ni isang sagot ay wala silang natanggap.

BOOK YOUR FLIGHTS NOW! PRESS FOR DETAILS

Ayon naman kay Melody ng Tai Po, ilang libong pirma na ang nakalap ng mga nagpo protesta laban sa sapilitang kontribusyon na ito, hindi lang sa Hong Kong kundi sa iba pang parte ng mundo, pero ang mga nasa Senado daw ay “hanggang ngayon ay hindi nakikinig.”

Sa isang panayam ay sinabi ni Balladares na wala namang masyadong inaasahan ang grupo niya sa naganap na pag-uusap.

“Walang inabot ang usapan kasi inunahan na tayo na implementor lang sila,” sabi niya.

BASAHIN DITO

“As expected yung mga benefits nasabi naman, kaso tinago na retroactive since 2019 ang babayaran ng mga OFWs plus may compounded interest pa. Ang dapat talaga sa PhilHealth, di dapat mandatory; kung nais ng iba mag member dahil maganda ang serbisyo, ok lang basta walang pilitan.”

Para mas mapadali ang pagtatanggal ng mandatory provision sa batas ay dapat daw gawing priority bill ito ni Presidente Bongbong Marcos, gaya nang ginawa niya para sa Maharlika Investment Fund.

Kabilang pa sa mga nireklamo ng mga lider ang pagpapabayad sa mga OFW kahit na ang asawa nila sa Pilipinas ay PhilHealth member na, ang sapilitang pagpapabayad sa kanila samantalang libre ang pagpapagamot nila sa HK kaya di nila ito kailangan, at pati ang pagtanggi ng mga eskwela na i-enroll sa kolehiyo ang kanilang anak kung hindi ito miyembroi ng PhilHealth.

Sa bandang huli ng pag-uusap ay isiniwalat ni Aseron na aminado daw ang gumawa ng UHC law na minadali nila ito noon, kaya hindi nakita na magiging malaking pasanin ito ng mga OFW.

Siya daw mismo ay alam na ang isang batas ay dapat may layong mapabuti ang buhay ng mga tao, kaya kailangang mapag-aralan ito muli. Pero sa ngayon ay patuloy nilang ipapatupad ang batas dahil yun ang dapat.

Sa kanyang pagpapaliwanag, binanggit ni Aseron ang tungkol sa bagong serbisyong hatid ng PhilHealth, ang libreng konsulta para sa mga miyembro, na ang layon ay makita agad ang anumang problema sa kanilang kalusugan bago ito lumala.

Ibinigay nyang halimbawa ang madalas na nakikitang sakit sa kidney ng mga OFW sa Middle East. Dahil hindi daw ito agad nadidiskubre ay madalas malala na ang pasyente kapag natingnan, at kailangan nang mag dialysis.

Ang isa pang serbisyo na binanggit niya ay ang pag-refund ng PhilHealth sa mga nagastos sa pagpapagamot ng mga miyembro sa ibang bansa, lalo na ang mga OFW.

Binuksan ni Consul General Raly Tejada ang pulong sa pamamagitan ng paghiling sa mga lider na makinig na bukas ang isipan sa mga sasabihin ng PhilHealth, at bigyan sila ng pagkakataon na maipaliwanag nang maigi ang kanilang mga serbisyo.

https://leade7.wixsite.com/thesunads/asiandragon
PADALA NA!

PRESS FOR DETAILS
Don't Miss