Ikinulong pa rin ng mahistrado ang Pilipina kahit nagsabi itong payag na siyang umuwi |
Isang 40-anyos na Pilipinang dating domestic helper ang ipinakulong kahapon, Mayo 8, ng isang mahistrado sa Shatin Law Courts matapos umamin sa sakdal na ilegal na pamamalagi sa Hong Kong nang dalawang taon matapos mapaso ang kanyang visitor visa noong 2015.
Humarap
si Maricar Sotingco, isang single mother, kay Magistrate Cheng Lim-chi upang umamin sa sakdal na pananatili sa Hong
Kong nang labag sa batas pagkaraan ng Agosto 13, 2015.
Ayon
sa tagausig, dumating sa Hong Kong si Sotingco noong Setyembre 20, 2013 upang
mamasukan bilang kasambahay ngunit naputol ang kanyang dalawang-taong kontrata
bago ito matapos at hindi siya umuwi sa Pilipinas bago lumipas ang kanyang
dalawang linggong palugit upang manatili at maghanap ng bagong amo.
Pagkaraan
ng halos dalawang taong pag-overstay ay nagpasiya si Sotingco na sumuko sa Hong
Kong Immigration Department at naghain ng “non refoulement application” para
hindi mapauwi nang sapilitan.
Nabanggit
ng tagausig na si Sotingco, isang high school graduate, ay may anak na babae na
ngayon ay 18 taong gulang na at lumaki sa piling ng kanyang ina. Sinabi ring
habang nasa Hong Kong ay nagkaroon ng anak na lalaki ang nasasakdal na ngayon ay
7 taong gulang na.
Ayon
naman sa kanyang tagapagtanggol, nagpasiya si Sotingco noong Setyembre 8, 2021 na
umuwi na lamang silang mag-ina sa Pilipinas upang makapiling nila ang kanyang
panganay na anak at ang kanyang ina.
Sinabi
rin ng abogado na sa pananatili ni Sotingco sa Hong Kong ay hindi siya
nagtrabaho nang labag sa batas at napanatili niyang malinis ang kanyang record.
Bilang
parusa ay pinatawan ng mahistrado si Sotingco ng walong linggo sa kulungan,
pero sinuspindi ang pitong araw sa sentensya, kaya 7 linggo na lang ang kanyang
ilalagi sa preso.
Habang
siya ay nasa piitan, ang kanyang anak ay inilagay sa pangangalaga ng Hong Kong
Social Welfare Department.