Responsive Ad Slot

Latest

Sponsored

Features

Buhay Pinay

People

Sports

Business Ideas for OFWs

Join us at Facebook!

Umpisa na ang pa-raffle ng Cathay ng 27,000 libreng air tiket mula HK

24 April 2023

Ng The SUN

Ang mga libreng ticket ay ipinapamahagi sa mga nakatira sa Greater Bay Area, kasama ang HK


May 27,314 air tickets na inumpisahang ipamigay nitong Lunes ng Cathay Pacific sa mga residente ng Hong Kong at sa “Greater Bay Area” na kinabibilangan ng siyam na kalapit-siyudad sa China.

Ang mga ticket ay maaring gamitin sa 26 na bansa (46 na siyudad sa kabuuan), kasama ang Pilipinas, at ang umpisa ng biyahe ay sa Hong Kong, hindi katulad ng mga naunang ticket na pinamigay ng gobyerno, kung saan dapat ang lipad ay papunta dito.

Sinimulan ang pagtanggap ng mga entry nitong alas diyes ng umaga ng Lunes, at magpapatuloy hanggang 11:59 ng gabi ng April 30. Aabisuhan ang mga pinalad na manalo sa May 3.

Sa mga unang oras ng pagtatala ay salitang Pinyin, o simpleng Intsik, lang ang nasa website kaya marami ang nagreklamo. Pero sa bandang huli ay may English version na rin ito, at makikita sa link na ito: https://hellohk.cathaypacific.com/world-of-winners/gba

Pindutin para sa detalye

Paalala lang ng airline, ang lahat ng mga ticket ay para sa isang tao lang, round-trip sa economy class. Ang tiket lang ang libre, kaya kailangan pa ring magbayad ng tax at surcharges.

Dapat din na miyembro ng Cathay ang lahat ng sasali, kaya kung hindi pa nakapag miyembro ay gawin ito pagkatapos mag rehistro para sa raffle.

Ang kagandahan lang ay hindi na kailangang sumagot pa ng ilang mga tanong ang mga sasali sa raffle, hindi katulad sa mga nagdaang paripa sa ilalim ng kampanyang pang turismo na“Hello, Hong Kong.”

Kailangan lang ilagay ang pangalan, numero ng telepono, at pumayag na magamit ang pangalan para sa promotion.

Ang mga libreng air ticket ay magmumula sa gobyerno sa ilalim ng kampanya nito na naglalayon na hikayatin muli ang mga turista na bumisita sa Hong Kong pagkatapos ng tatlong taon na halos nagsara ang siyudad dahil sa pandemya.

Kabilang sa mga bansa na maaring puntahan ng mga mananalo sa raffle bukod sa Pilipinas ay ang United States, United Kingdom, France, Germany, Italy, the Netherlands, Switzerland, Spain, Australia, New Zealand, Israel, the United Arab Emirates, South Africa, Bangladesh, India, Nepal, Cambodia, Malaysia, Indonesia, Singapore, Thailand at Vietnam. 

May 700,000 na ticket ang ipamimigay sa kabuuan sa pamamagitan ng tatlong airline na nakabase dito. Bukod sa Cathay Pacific, namimigay din ng ticket ang Hong Kong Airlines at HK Express.

Sa naunang pahayag ng gobyerno, ang 80,000 ticket na ipamimigay ngayong buwan ng Abril ay para lang sa mga nakatira sa Greater Bay Area, bagamat kasama naman ang Hong Kong dito.

Ang mga ticket na para lang talaga sa mga residente ng Hong Kong ay dapat sa July pa lang ipamimigay.

Sa mga naunang pagbabahagi ng ticket ang mga airline ay namigay sa mga nakatira sa Southeast Asia, kabilang ang Pilipinas, Thailand at Singapore na gustong bumisita sa Hong Kong.

https://leade7.wixsite.com/thesunads/asiandragon
PADALA NA!

PRESS FOR DETAILS
Don't Miss