|
Ang Pilipinang biktima habang iniimbestigahan ng mga pulis (Photo from The Standard) |
Isang Pilipinang domestic helper ang nakatakas matapos tutukan ng patalim ng
isang lalaki habang papunta sa grocery sa Tseung Kwan O kaninang umaga.
Imbes matakot ay biglang nagsisigaw ang Pilipina at tumakbo papunta sa basement ng Kwong Cheong House sa Kwong Ming estate para doon magtago, at tumawag sa pulis.
Agad namang rumesponde ang Hong Kong Police, at gamit ang mga baton at panangga ay inikot ang lugar para hanapin ang lalaki na ayon sa Pilipina ay nasa pagitan ng 25 hanggang 30 ang edad, at nakasuot ng puting pantaas at pantalon.
Hindi agad nahuli ang lalaki, pero makailang sandali ay nakita ito sa kalapit na Tong Chun Street na nakasuot pa ng taekwondo uniform, maskara at headband na may bunny ears.
Nakumpiska sa kanya ang isang letter-opener na hugis-kutsilyo.
Walang nasaktan sa insidente, ayon sa pulisya, na kinumpirma din na ang biktima ay isang Pilipina. Natanggap daw nila ang tawag tungkol sa insidente ng 9:18 ng umaga kanina.
Sa isang panayam ng The SUN, sinabi ng isang tagapagsalita ng pulis na ang inarestong suspect ay 26 taong gulang, at pinaghihinalaang may sakit sa pag-iisip.
Dinala ito sa Tseung Kwan O Hospital kung saan ito nananatili hanggang ngayon, habang patuloy ang pag-iimbestiga sa kaso.