|
Walang pagbabago sa kaso, kaya hindi pinagpiyansa ang Pilipina. |
Tinanggihan ng Eastern Court kanina ang alok ng isang Pilipina
na maglagak ng $3,000 bilang piyansa upang pakawalan siya sa kasong droga at
overstay.
Sinabi ni Principal Magistrate Ivy Chui na walang nabago sa
katayuan ng kaso ni Janice Sahagun, 41 taong gulang, upang makubinse siyang
tanggapin ang alok nitong cash. Kasama sa alok ang pangakong magre-report siya sa
pulis araw-araw at hindi aalis ng Hong Kong hanggang hindi natatapos ang kaso.
Sinabi ni Magistrate Chui na pwede siyang umapela sa Court
of First Instance ng High Court na baliktarin ang kanyang desisyon at payagan
siyang mag-piyansa.
Pero iginiit ng abogado ni Sahagun ang karapatan niyang humingi
ng bail review, kaya itinakda ang susunod na pagdinig niya sa April 28 upang pag-usapan
muli ang hiling niyang magpiyansa, at ang regular na pagdinig sa June 9.
Kinasuhan si Sahagun ng overstay, o paglabag sa kondisyion
ng kanyang visa, dahil na-terminate siya noong March 10, 2023 at dapat ay
nakaalis na pagkalipas ng 14 araw, o noong March 24, o halos isang buwang overstay
nang mahuli siya noong April 12.
Kinasuhan din siya ng possession of dangerous drug matapos makita
sa kanyang gamit ang bawal na gamot nang masita siya sa harap ng gusali sa 9
Sai Yuen Lane sa Sai Wan noon ding April 12.
Hindi pa ibinunyag ng taga-usig ang uri at dami ng bawal na
gamot dahil ito ay sinusuri pa sa Government Laboratory.