|
Babalik sa korte si Carreon sa April 18 |
Isang Pilipina ang humarap ngayon sa Eastern Court sa dalawang
kasong pakikipagsabwatan upang magnakaw ng Champagne at credit card.
Agad itinigil ang pagdinig ng kaso laban kay Nieves Carreon, isang domestic
helper na 41 taong gulang, nang humiling ang taga-usig na ipagpaliban ito sa
April 18 para sa dagdag na imbestigasyon at konsultasyong legal.
Pinayagan si Carreon ni Magistrate Minnie Wat na makalaya pansamantala sa bisa ng piyansang
$5,000.
Ayon sa reklamong isinampa ng pulis sa Wanchai, nakipagsabwatan
siya sa ilang taong hindi binanggit ang pangalan, upang nakawin ang isang
botelya ng Moet Champagne mula sa isang lalaking puti noong Nov. 12, 2022.
Sa araw ding iyon, nakipagsabwatan ulit si Carreon diumano na
nakawin ang tatlo pang botelya ng Moet Champagne at isang HSBC Mastercard credit
card ng nasabing lalaki.
Ayon sa Crimes Ordinance at Thefts Ordinance, ang pakikipagsabwatan para magnakaw ay may karampatang parusa na pagkakakulong nang hanggang 10 taon.