Sa 8 araw ni Prix sa ospital ay umabot sa P180k ang kinailangang bayaran ni Margie |
Wala na sigurong mas masakit sa loob ng isang ina kundi ang makitang namimilipit sa sakit ang kanyang anak, lalo na kung malayo siya sa
piling nito. Doble ang sakit kung ang bata ay hindi agad nagamot dahil mali ang
sinabing sanhi ng unang doktor na tumingin dito.
Ito ang naranasan kamakailan ni Margie Barbas, isang
domestic helper na limang taon nang nagtatrabaho sa Hong Kong, nang itawag sa
kanya ang matinding pananakit ng tiyan ng kanyang 10 taong gulang na anak na si
Prix Vincent noong Miyerkules, Jan. 18.
PINDUTIN PARA SA DETALYE |
Agad namang pinakiusapan ni Margie ang kanyang tatay
na dalhin ang bata sa isang pribadong doktor na malapit lang ang klinika sa
kanilang bahay sa Sipalay, Negros Occidental. Ayon sa doktor, UTI o urinary
tract infection ang sakit ng bata, at magagamot iyon ng antibiotics.
Pero pagdating ng Biyernes ng gabi, Jan. 20, ay kinabahan na si Margie, na mag-isang itinataguyod ang anak, dahil hirap nang huminga si Prix dahil sa sakit ng tiyan, kahit patuloy ang pag-inom niya ng antibiotics.
Muli ay pinagbilinan ni Margie ang kanyang ama na hirap ding
magkikilos dahil kinailangang putulin ang isang paa kamakailan dahil sa
diabetes, na patingnan ang bata.
Chat nina Margie at Prix bago ang operasyon |
Dahil diumano walang ospital sa Sipalay ay sa isang laboratoryo
dinala ng natatarantang lolo ang kanyang apo kinabukasan.
“Pero nag-umpisa na rin siyang mag-isip na baka hindi
tama ang sabi ng doktor,” sabi ni Margie tungkol sa ama.
Nang lalo pang tumindi ang sakit ng tiyan ng bata ay
nagpatawag na ng ambulansiya si Margie kinabukasan para madala ang bata sa
Queen of Mercy Hospital sa Bacolod City.
Pero pagdating doon, kahit namimilipit na sa sakit ang
anak at bandang 7 na ng gabi ay kinailangan pa
siyang i-swab test muna sa Covid-19 bago na eksamin. Pati ang dalawa niyang
kasama na magbabantay ay pina test din muna dahil ito raw ang protocol sa
ospital.
PINDUTIN PARA SA DETALYE |
Ganoon na lang ang gulat at awa ni Margie sa anak nang
malaman niya na appendicitis ang problema nito, at dahil sa hindi ito agad na
diagnose ay pumutok na ang appendix, at nag-umpisa nang kumalat ang impeksyon
sa katawan ng bata.
Dahil naging kumplikado ang sakit ni Prix ay
kinailangang hiwain ang buong tiyan nito para mapigil ang pagkalat ng impeksyon
o lason mula sa pumutok nitong appendix.
Naging kumplikado ang operasyon kay Prix dahil pumutok na ang kanyang appendix |
Hindi dito natapos ang problema ni Margie, na isang aktibong miyembro ng Mission Movers, ang grupong ginagabayan ng Mission for Migrant Workers para tumulong sa mga migranteng nangangailangan o may problema sa trabaho.
Nang dumating ang singil ng ospital ay laking problema na naman dahil umabot ito sa mahigit Php180,000, at kahit na nabawas ang Php14,000 para sa PhilHealth membership niya ay mabigat pa rin.
BOOK YOUR FLIGHTS NOW! PRESS FOR DETAILS |
Gipit din kasi si Margie dahil katatapos lang
niyang bayaran ang pagpapa-opera ng ama na kinailangang putulan ng paa noong
nakaraang taon. Nasa lahi daw nila ang pagkakaroon ng diabetes, dahilan para
madagdagan ang mga gumugulo sa isip ni Margie.
“Ang tanging pinagpapasalamat ko na lang ay naagapan
ang buhay ng anak ko,” sabi niya.
Dahil sinabihan daw siya na hindi papalabasin si Prix sa
ospital kung hindi mababayaran nang buo ang singil sa kanila ay napilitang
manghiram ng pera si Margie sa ilang mga kaibigan at kaanak.
PINDUTIN PARA SA DETALYE |
Nakalabas na ang anak niya nitong Biyernes lang, pero
kailangan pa ring bumalik para tanggalin ang mga “stapler” na ginamit para
isara ang tiyan niyang inoperahan.
Dalangin niya ngayon na gumaling na nang lubusan ang
anak, at manatili naman siyang malusog para mabayaran ang lahat ng mga inutang
para maitawid ang isa na namang naging pagsubok sa kanilang pamilya.
Sa mga gustong mag-abuloy kay Margie at Prix, maaring ipadala
ito sa pamamagitan ng pag top-up gamit ang kanyang QR code na nasa ibaba.