|
Babalik sa korte ang tatlo sa March 31. |
Pinag-isa ang magkakahiwalay na kaso laban sa tatlong Pilipina
nang humarap sila kahapon sa Eastern Court sa kasong pagtitinda ng alak nang
walang lisensya at pagtatrabaho nang ilegal sa isang kainan sa 8th
floor ng Fai Man Bldg., sa Li Yuen Street West sa Central (na tinaguriang
Alley-alley).
Nahuli ng pulis sina Mary Jean Batalla, Myrna Reyes at
Rowena Abelido – na ngayon ay pawang walang trabaho -- noong nakaraang Agosto 19.
Pinagpatuloy ni Magistrate Minnie Wai ang piyansa nilang tig-$1,000
upang makalaya hanggang sa susunod na pagdinig sa March 31.
Noong huling humarap sa korte si Batalla, 52 taong gulang,
limang kaso ang nakasampa laban sa kanya -- pagtitinda ng alak nang walang
lisensiya, pagkakaroon ng ipinagbibiling alak, pagpapatakbo ng kainan nang
walang karampatang pahintulot, at paglabag sa Prevention and Control of Disease
Ordinance (Requirements and Direction) (Business and Premises) Regulation dahil
bukas ang kainan nang lampas sa hatinggabi.
Sa bagong kaso ay dalawa na lang ang asuntong iniharap sa
kanya: ang pagtitinda ng siyam na bote ng alak nang walang lisensiya, na labag
saDutiable Commodities Ordinance, at ang pagtatrabaho sa Hong Kong kahit siya
ay nag-overstay, na paglabag sa Immigration Ordinance.
Si Reyes, 33 taong gulang, ay nahulihan naman ng siyam na
bote ng iba’t ibang klase ng alak at pagtatrabaho kahit labag sa Immigration
Ordinance, dahil may utos ang Immigration Department na paalisin siya sa Hong
Kong.
Si Abelido ay sinampahan ng kasong pagtatrabaho kahit labag
sa Immigration Ordinance, dahil may utos ang Immigration na paalisin siya sa Hong
Kong.