|
Sa Huwebes ang huling araw para sa pagrerehistro ng mga SIM card sa HK |
Kung hindi mo ma rehistro ang SIM mo hanggang
Huwebes ay huwag mag-alala. Kung may natitira ka pang load ay pwede mong
kausapin ang telecom service provider mo o yung kumpanya kung saan nakarehistro
ang SIM mo na irehistro ka pa rin.
Pero kung naubos na ang load mo pero hindi mo pa
rin naipaparehistro sa pangalan mo ang SIM na gamit mo ay hindi mo na ito
muling magagamit.
Ito ay ayon kay Chauce Leung, director-general of
communications, nang kapanayamin siya sa RTHK.
Sabi ni Leung, may 12 million na pre-paid na SIM
card na ang narehistro sa pangalan ng gumagamit sa kanila. Maaring magrehistro
ng hanggang limang SIM sa ilalim ng isang tao gamit ang kanyang HK ID card.
Ang ibig sabihin daw nito ay tagumpay ang
kampanya ng gobyerno na mairehistro ang pangalan ng lahat ng mga gumagamit ng SIM
card sa Hong Kong, sa tulong ng mabilisang pagpapalaganap ng balita
Kailangang marehistro ang lahat ng mga SIM card
nang hindi lalampas sa Huwebes, ang huling araw na itinakda para ipatupad ang
kautusang ito.
Layon ng gobyerno sa iba-ibang bansa na
marehistro ang mga SIM card na ibinebenta sa publiko para maiwasan ang paggamit
ng telepono ng mga di kilalang tao para makapanloko o gumawa ng iba pang
krimen.
Ayon kay Leung narinig na nila ang balita na may
mga taong nag-aalok na irehistro ang SIM card ng ibang tao kapalit ng bayad, at
naiparating na nila ito sa pulis. Ang babala niya, isa itong krimen kaya huwag
patulan.