|
Isa sa mga solong bahay sa Redhill Peninsula ang pinagtangkaang nakawan (Wikimedia photo) |
Nagulantang ang isang
Pilipinang domestic helper bandang alas dos ng madaling araw kahapon, Martes, nang
makitang may tao sa loob ng kanyang silid tulugan sa bahay ng kanyang mga amo
sa Palm Drive, Redhill Peninsula sa Tai Tam.
Imbes matakot sa taong
nakita niyang naghahalughog sa kuwarto ay nagsisigaw ang 41 taong gulang na
Pilipina, dahilan para tumakbo palabas ang magnanakaw.
Buo ang loob na tumawag
ng pulis ang Pilipina, at agad namang dumating ang mga ito para mag-imbestiga.
Pagkatapos ng may
dalawang oras na paghahanap sa paligid ng solong bahay ay namataan ng mga pulis
ang isang lalaki sa may Tai Tam beach. Nang tanungin nila ito ay nalaman nilang
isa itong illegal immigrant galing ng Mainland, at nakita sa kanyang backpack
ang mga gamit para sa panloloob.
Ayon sa isang
tagapagsalita ng pulis, ang lalaki na nasa 40 taong gulang ay inaresto dahil sa
tangkang pagnanakaw, pagdadala ng mga gamit na maaring gamitin sa pagnanakaw,
at pagpasok ng walang permiso sa Hong Kong.
Wala daw anumang gamit
na nakuha mula sa bahay.
Nabanggit naman sa ibang
balita na ang may-ari ng bahay ay isang mayamang taga Mainland na nakatira doon
kasama ang pamilya at ilang domestic worker na pawang mga Pilipino, at pati mga
alagang aso.