|
Ang mga pekeng produkto na nasamsam |
Nagbabala ang Hong Kong Customs sa
pagbili ng mga produktong pampaganda sa internet matapos nilang masamsam ang 2,600
piraso ng mga pekeng kolorete at pabango na nagkakahalaga ng $960,000, mula sa isang
bahay sa Yuen Long nitong Lunes.
Isang lalaki ang inaresto.
Isinagawa ang raid matapos
makatanggap ng impormasyon ang Customs tungkol sa mga ibinebentang pekeng
produktong pampaganda sa internet.
Sa paunang imbestigasyon ay nakita
na may account na binuksan para sa pagtitinda ng pinaghihinalaan na
pekeng make-up at pabango.
Dito na nagdesisyon ang ilang tauhan
ng Customs na magpanggap bilang mga kostumer para makabili ng mga nasabing produkto.
Pagkatapos ng masusing pag-aaral ay
nagsagawa ng raid ang mga imbestigador at hinuli ang isang 45-taong-gulang na
lalaki na nakita sa lugar.
Kasalukuyan pa ring nag-iimbestiga
ang mga awtoridad, at nagbabala na baka madagdagan pa ang mga taong aarestuhin
dahil sa kaso. Kasama sa kanilang aalamin ang kung saan nanggaling ang mga
kinopyang produkto.
Nanawagan ang Customs sa lahat na
maging maingat sa pamimili online at kung may duda ay agad na ipaalam sa
kumpanyang may-ari ng produkto para masigurong hindi madaya.
Binalaan din nila ang mga nagbebenta
na huwag magpasa ng mga pekeng produkto dahil ito ay isang seryosong krimem.
Ayon sa Trade Descriptions Ordinance
ang sinumang mahuli na nagbebenta ng mga pekeng gamit ay maaring makulong ng
hanggang limang taon, at magbayad ng multang $500,000.
Maaring isangguni ang anumang
katanungan tungkol sa patakarang ito sa pamamagitan ng pagtawag sa hotline ng
Customs, 2545 6182, o sa pamamagitan ng pag email sa crimereport@customs.gov.hk.