|
Wasak ang likod ng kotseng minamaneho ni Magsino matapos ang aksidente (RTHK photo) |
Isa pang kaso ng ang isasampa sa
isang Pilipinang domestic helper na kinasuhan ng "dangerous driving" matapos maatrasan ng kotseng ipinarada niya sa mataong
lugar sa Central noong Dis 10, 2021, ang isang babaeng Pranses, at mamatay ito sa ospital.
Nang humarap si Reshielle Magsino, 44 anyos, sa
Eastern Court noong Dis. 28, 2022, hiniling ng taga-usig na ipagpaliban sa Peb.
3, 2023, ang pagdinig dahil magsasampa ito ng isa pang panibagong kaso laban
sa akusado.
Dagdag ng tagausig, maliban sa kaso sa Eastern Court,
may isa pang isasampa laban kay Magsino sa District Court, kaya hiniling nito
na pagsamahin ang mga dokumento sa mas mataas na hukuman.
Hindi naman binanggit sa korte ng tagausig kung ano
ang kaso na isasampa sa District Court.
Pumayag si Punong Mahistrado Ivy Chui na ipagpaliban ang pagdinig sa kaso laban kay Magsino sa petsang hiniling ng tagausig.
Muli din niyang pinayagan si Magsino na magpiyansa sa
halagang $10,000 para sa kanyang pansamantalang paglaya. Kapalit nito ay
kailangan niyang ilagak ang kanyang pasaporte sa korte at mangakong hindi aalis
sa Hong Kong, magre report sa pulisya isang beses sa isang linggo, at aabisuhan
ang korte sakaling lumipat siya ng tirahan.
Si Magsino ay kinasuhan matapos mamatay si Elovie Ma,
isang 27 anyos na babae, nang mabangga ng kotse na ipinarada ng nasasakdal sa
Peel Street sa Central, at gumulong ito pababa sa kanto ng Staunton Street.
Walong iba pang katao na nag-iinuman sa isang bar at nakatayo sa kalsada ang
nasugatan.
Si Ma ay nagtamo ng mga sugat sa ulo at iba pang bahagi ng
katawan, at pumanaw habang ginagamot sa Queen Mary Hospital.