Tinuldukan na ng High Court ang apela ni Ticuala na huwag siyang pauwiin sa Pilipinas |
Lilitisin ang isang dating domestic helper sa Shatin Court ngayong Enero 20, 2023 dahil bigong pigilan ang pagpapauwi sa kanya pagkatapos niyang mag overstay ng halos tatlong taon.
Si Isabel Magna S. Ticuala, 44 taong gulang at tubong Tadian, Mountain Province, ay unang hinuli ng mga pulis noong Abril 11, 2009. Noon nabisto na hindi siya umalis sa loob ng 14 na araw matapos i-terminate ng dating amo ang kanilang kontrata noong Agosto 26, 2006.
Matapos mahuli ay agad hiniling ni Ticuala sa Immigration na huwag siyang pauwiin sa bisa ng “non-refoulement claim” dahil pinagbantaan umano siyang papatayin ng mga nautangan niya sa Pilipinas.
Nauna nang tinanggihan ng Immigration ang kanyang hiling, pero inabot pa ng 13 taon ang kanyang kaso dahil inapela niya ang desisyon na ito sa mataas na hukuman.
Ayon sa hukom, walang basehan ang pagsasabi ni Ticuala na nanganganib ang kanyang buhay sa Pilipinas. Dagdag pa nito, ang usaping utang ay pribado at hindi din naman siya inuusig ng gobyerno doon.
Ayon sa dokumento na nasa korte, tatlo ang pinagkautangan ni Ticuala sa Pilipinas ngunit hindi binanggit kung magkano ang kabuuang halaga niya sa mga ito.
Unang inutangan ni Ticuala ang tiyahin niya noong 1996. Ginamit niya ang pera sa pagproseso ng aplikasyon para makapagtrabaho sa South Korea. Nauwi sa wala ang paggastos niyang ito dahil hindi naman siya nakakuha ng trabaho doon.
Sumubok ulit si Ticuala na maghanap ng trabaho sa China at Hong Kong at umutang sa dalawang magka-hiwalay na pautangan noong 1997 para isakatuparan ito. Pagkatapos ng siyam na taon ay noon lang siya nakahanap ng trabaho dito.
Dumating si Ticuala sa Hong Kong noong Marso 15, 2006 na may pahintulot na magtrabaho bilang domestic helper hanggang Marso 15, 2007. Pero matapos lang ang limang buwan ay natanggal na siya sa trabaho.
Hindi nakapagbayad si Ticuala sa lahat ng mga nautangan niya dahil imposible diumanong makapag-ipon siya para dito sa maiksing panahon na itinagal niya sa trabaho. Dahil baon pa rin sa utang ay nagdesisyon siyang mag overstay na lang.
Sa pagitan ng Abril 2009 hanggang Mayo 2015 ay ipinaglaban ni Ticuala ang pakiusap na huwag siyang pauwiin dahil maari daw siyang mapatay o ma torture ng mga nagpautang sa kanya.
Subalit noong Setyembre 10, 2015 ay tinanggihan ng Direktor ng Immigration sa huling pagkakataon ang hiling na proteksyon ni Ticuala. Ayon sa Director, walang basehan ang dahilan na ibinigay ng Pilipina.
Una, wala
naman daw opisyal ng gobyerno sa Pilipinas na sangkot sa pagbabanta sa kanya,
tulad ng kapulisan, at maari din umano siyang humingi ng proteksyon sa mga
opisyal sa kanilang bayan.
Ang isa pang maari niyang gawin ay umalis sa kanilang bayan at pumirmi sa ibang parte ng Pilipinas kung saan siya maaring humingi ng proteksyon sa mga local na opisyal doon.
Hindi naman nawalan ng loob si Ticuala, at sinubukan na iapela ang desisyon ng Immigration sa Torture Claims Adjudication Board at sa High Court, ngunit bigo siyang makumbinsi ang mga ito na katigan siya.
Nang humarap si Ticuala sa Shatin Court noong Disyembre 23, hiniling ng tagausig kay Mahistrado David Cheung na ipagpaliban ang susunod na pagdinig ng kaso sa Enero 20, 2023 kung saan nakatakda itong basahan ng sakdal.
Pansamantala namang pinayagan muling makalaya si Ticuala sa bisa ng kanyang piyansa sa halagang $8,000.