|
Ipinaaresto ang Pilipina matapos hindi sumipot sa Shatin Court |
Pinaghahanap
ng mga alagad ng batas ang isang overstaying na Pilipina matapos hindi ito
sumipot sa kanyang pagdinig sa Shatin Court kanina (Dec. 13).
Naglabas
ng warrant of arrest si Acting Principal Magistrate David Cheung laban kay
Hasle Quintero, 33 taong gulang at isang aplikante para sa non-refoulement, o
proteksiyon laban sa sapilitang pagpapauwi sa Pilipinas.
Inaasahang
madaling matutunton si Quintero dahil bilang asylum seeker at may hawak ng
recognizance form, nakakatanggap siya ng buwanang allowance mula sa gobyerno ng
Hong Kong para sa pagkain at tirahan.
Nakasaad
sa dokumentong galing sa korte na lumipat si Quintero ng tirahan sa Tai Kok
Tsui sa Kowloon, mula sa Sai Ying Pun sa Hong Kong.
Inutos din
ni Magistrate Cheung na ang piyansang inilagak nito sa korte ay ipitin, at
huwag na siyang payagang magpiyansa ng pulis kapag nahuli.
Ayon sa
kasong isinampa ng Immigration Department noon pang 2017, dalawang taong
nag-overstay si Quintero.
Ang visa
na ibinigay sa kanya may bisa lang hanggang May 28, 2013 pero nanatili siya
hanggang Aug. 21, 2015, ayon sa Immigration.