Magpapasko nang malaya ang isang Pilipina matapos payagan
siyang mag-piyansa sa kaso niyang pananakit sa kanyang alaga sa isang pagdinig
sa West Kowloon Courts.
Pinag-piyansa si Jogie Escala, 46 taong gulang, ni Acting
Principal Magistrate Veronica Heung ng $1,000 upang pansamantalang makalaya hanggang
sa susunod na pagdinig sa Feb. 7, 2023.
Sa pagdinig noong Biyernes (Dec. 23), hiningi ng taga-usig na ipagpaliban ang kaso
upang bigyan ng dagdag na oras ang imbestigasyon ng pulis at konsultang legal.
Inakusahan si Escala, bilang isang tagapag-alaga na nasa edad
na higit 16 na taon, ng pananakit sa isang lalaking sanggol na 11 buwan.
Nangyari ang pananakit noong Dec. 15 sa bahay ng kanyang amo
sa Seaview Crescent sa Tung Chung, Lantau.
Ang kaso ay paglabag sa Section 27(1) ng Offences against
the Person Ordinance, na tumatalakay sa krimeng pananakit sa bata at nagtatakda
ng kaparusahan para dito.
Ayon sa batas na ito, ang nagkasala ay maaring makulong nang hanggang tatlong taon kung umamin agad sa kasalanan at hanggang 10 taon
kung tumanggi sa paratang ngunit napatunayang nagkasala pagkatapos ng paglilitis.