|
Ang babala para sa inaasahang pagbagsak ng temperatura sa Sabado |
Kung gininaw ka
noong mga nakalipas na linggo, mas giginawin ka simula sa darating na Sabado
dahil ang temperatura sa umaga ay bababa pa sa 11 degrees Celsius mula 14
degrees, ayon sa Hong Kong Observatory.
Ito ay dahil
sa pagdating ng malamig na hanging dala ng winter monsoon mula sa hilagang China.
Ang weather
system na ito ang papalit sa northeast monsoon na dumadaloy ngayon sa Hong Kong
at nagdadala ng maaiwalas na papawirin, na siyang dahilan ng pag-init sa hapon kahit
na maginaw sa umaga.
Kasunod ng weather
system na ito ay ang pagdating sa Miyerkules ng mga ulap na nagbabadya ng ulan
sa Hong Kong.
Pero pagdating
ng Sabado, magiging maaliwalas ang panahon, pero mas maginaw ang hangin dahil
sa pagdating ng winter monsoon.
Kaugnay nito,
nagbigay ng payo ang Observatory kung ano ang gagawin upang maiwasang mapahamak
dahil sa malamig na panahon:
- Magsuot ng
makapal na damit bilang proteksyon ng katawan laban sa ginaw.
- Magbukas ng
kahit isang bintana upang makapasok sa bahay ang sariwang hangin.
- Kung hindi
maiiwasang lumabas, huwag magbabad sa maginaw na hangin at humanap ng
masisilungang mainit-init kapag gininaw.
- Maging alerto
sa kapakanan ng matatanda, lalo na ang mga naninirahang mag-iisa, dahil sila
ang mas madaling maapektuhan sa ginaw.
- Siguruhing
maayos ang air heater bago gamitin, at paandarin sila na malayo sa mga bagay na
madaling magliyab, upang maiwasang magkasunog.
- Huwag
magsisiga upang painitin ang loob ng bahay, upang maiwasan hindi lang ang sunog
kundi ang pagtaas ng carbon monoxide na nakamamatay.
- Siguruhing may
pumapasok na sariwang hangin sa bahay (lalo na sa kubeta) kapag gumagamit ng
lumang water heater na tumatakbo sa gas.
- Kumain ng mas maraming pagkain na mayaman sa carbohydrates, gaya ng kanin, tinapay at iba pa.
- Mag-ehersisyo upang magpainit ng katawan.
- Mag-ingat laban sa trangkaso, na kapanahunan tuwing tag-lamig, sa pamamagitan ng pagpapabakuna at pagpapanatili ng kalinisan sa katawan..