|
Ang pinangyarihan ng krimen |
Isang Pilipina ang ipinaaresto dahil hindi magpakita sa Eastern
Magistracy nang dinggin ang kanyang kasong pagnanakaw ng mga paninda sa isang
tindahan sa Worldwide House.
Inutos din ni Magistrate Edward Wong na dagdagan ng $2,000 ang piyansa ni M.C. Talento, 44 na taong gulang, kapalit ng patuloy na paglaya kapag nahuli siya ng pulis.
Ginawa ni Magistrate Wong ang hakbang dahil walang sumagot nang
tawagin ang kaso ni Talento upang dinggin. Lumabas ang interpreter na Pilipino
sa korte upang tawagin siya sakaling nasa labas lang, pero bumalik itong bigo.
Nahaharap si Talento sa kasong paglabag sa Section 9 ng Theft
Ordinance dahil kumuha siya ng mga paninda ng Victory Supermarket sa first
floor ng Worldwide noong Nov. 13, nang hindi nagbabayad.
Ayon sa salaysay ng pulis, kumuha siya ng isang pakete ng
kape, isang pakete ng tsitsiryang Pilipino, limang pakete ng M&M chocolate,
limang pakete ng Cadbury Roast Almond Chocolate, limang pakete ng Cadbury Fruit
& Nut Chocolate, tatlong pakete ng Hershey Kisses almond chocolate, dalawang
pakete ng Hershey Kisses dark chocolate, dalawang lata ng Coca Cola, at dalawang
lata ng pineaple juice.
Hindi binaggit ang kabuuang halaga ng mga produkto.