Ng The SUN
Si Lilybeth ay aktibong miyembro ng Unifil-Migrante HK |
Nagluluksa ang kilusang migrante sa Hong Kong dahil sa pagkamatay kahapon, Miyerkules, ng isa sa kanilang aktibong miyembro na si Lilibeth Perez Mulat sanhi ng atake sa puso.
Tamang tama lang na nakarating sa Hong Kong ang anak nitong si Princess bago idineklarang wala ng buhay si Lilibeth na ilang araw na rin nakaratay nang walang malay sa Ruttonjee Hospital sa Wanchai.
Ayon kay Esther Bangcawayan ng Bethune House Migrant Women’s Refuge kung saan isang volunteer si Lilibeth ay nahilo lang daw ito habang naglalakad sa may Wanchai Market noong Biyernes, Dec. 2, at agad na itinakbo sa ospital pero hindi na nagkamalay.
PINDUTIN PARA SA DETALYE |
Katatapos lang niyang maoperahan sa Pamela Youde Eastern Hospital sa Chai Wan para sa kanyang varicose veins at naka sick leave pa hanggang Dec 5 nang atakihin siya.
Base sa mismong post ni Lilibeth sa Facebook noong Nov. 30 ay tagumpay ang kanyang operasyon at nagpapagaling na lang siya.
Pero sa sulat ng doktor na tumingin sa kanya sa Ruttonjee ay kritikal na ang kundisyon nito dahil sa atake sa puso, at iminungkahi ang dagliang pagbisita ng kanyang pamilya para makita siya sa huling sandal.
“She has suffered from a cardiac arrest secondary to massive pulmonary embolism. Her condition is complicated with hypoxic ischemic encephalopathy, and she is in critical condition,” sabi ni Dr Anthony Yu.
“We suggest for her family members to visit her as soon as possible due to her grave prognosis.”
Agad namang naghanda sa kanyang pag-alis si Princess mula sa kanilang bahay sa Quezon nguni’t nabalam nang ilang araw dahil sinubukan munang nagpunta sa opisina ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) sa Maynila para humingi ng tulong.
PINDUTIN PARA SA DETALYE |
Nabigo si Princess sa kanyang pakay dahil imbes tulungan agad ay sinabihan daw ito sa OWWA na sa Senado pumunta para mapabilis ang pag-asikaso sa kanyang hiling.
Agad namang sumulat si Bangcawayan sa OWWA sa Hong Kong para idaan sa kanila ang hiling ng pamilya ni Lilybeth at makiusap na rin na dalawin nila ang maysakit sa ospital “para malaman ang kanyang kundisyon at matulungan siya at kanyang pamilya.”
Pero ilang oras lang matapos ito ay nabalitaan nilang pumanaw na si Lilybeth, at si Princess ay nakarating sa Hong Kong para makita siya sa huling pagkakataon.
Paglalakad ang isa sa mga paboritong ginagawa ni Lilybeth sa araw ng pahinga |
Kamakailan lang ay umani ito ng papuri nang may sunduin itong isang migranteng na-terminate sa gitna ng bagyo, at hinatid ito sa Bethune House.
“Safe na si kabayan. Kahit bago walang makakapigil sa aking pagtulong,” sabi ni Lilybeth sa kanyang Facebook post, na nilakipan pa niya ng dalawang litrato ng kababayan na tinulungan niya.
Press for details |
Ang kanyang kabaitan at determinasyon na ipaglaban ang mga karapatan ng kapwa migrante ay binigyang puri ng ilang mga kaibigan bilang pagtanaw sa kanyang naging buhay dito sa Hong Kong.
“Isa na namang kasama sa kilusang migrante ang naging bayani kanina,” sabi ni Eman Villanueva, chairperson ng Bayan Hong Kong at Macau, at secretary general ng Unifil.
“Si kasamang Beth ay nanindigan para sa kapakanan ng mga migrante at sambayanan. Naglaan ng kanyang panahon para paglingkuran ang kapwa-OFW," dagdag niya.
BASAHIN ANG DETALYE |
“Igawad natin ang pinakamataas na pagpupugay kay kasamang Beth. Isang migranteng manggagawa, aktibistang pangkultura, naglingkod sa masang migrante hanggang sa kahulihulihan.”
Inalala naman ni Janette Carnay na “hindi madamot” sa pagtulong Lilybeth sa kanilang ka-miyembro sa Unifil, lalo na sa pagbabahagi ng kanyang husay sa pagsasayaw at pagtulong sa mga gawain ng grupo.
Inulila ni Lilybeth ang kanyang asawa at tatlong anak na babae.
PADALA NA! |
PRESS FOR DETAILS |
CALL US! |