|
Kuha mula sa livestream ng HK Observatory sa Tsim Sha Tsui |
Pinaghandaan ng
Hong Kong ang hindi pangkaraniwang tanawin sa langit na mangyayari sa eksaktong
6:16 ng gabi ngayon (Nov. 8) -- ang nakatakdang pagpula ng buwan habang dumaraan ito sa anino ng mundo, sa isang total lunar eclipse -- pero nasayang ang pagkakataon nang takpan ng makapal na ulap ang kalangitan.
Maliban sa eclipse, nabulilyaso din ang sana'y pagpapakita ng planetang Uranus habang dumadaan ito sa likod ng buwan. Karaniwang hindi
maaninag ang Uranus sa mga ganitong pangyayari, dahil lagi itong natatabunan ng liwanag ng
buwan.
Sa isa’t kalahating oras na palabas sana ng kalikasan, walang naipakita ang
mga livestream ng limang nagtulong-tulong na organisasyon sa iba’t ibang lugar
sa Hong Kong kundi ulap at, kalaunan, kadiliman
Ang mga livestream na sana ay nagpakita ng lunar eclipse ay mula sa Hong
Kong Observatory sa Tsim Sha Tsui, sa Hong Kong Space Museum sa Pak Tam, Sai
Kung (na may komentaryo pang Cantonese), sa Ho Koon Nature Education cum
Astronomical Center sa Tsim Bei Tsui, sa Po Leung Kuk Ngan Po Ling College sa
To Kwa Wan at sa HongKong Federation of Youth Groups sa Pak Shek Kok.
Ayon sa website
ng HK Observatory, kung saan matatagpuan ang mga livestream, inaasahan na nila
ang pagiging maulap na panahon, kaya may pauna na itong pasabi na posibleng magkakaroon ito ng epekto sa livestream.
Kung hindi sana
maulap, ang lunar eclipse ay makikita ng mga tao sa buong Hong Kong sa bandang silangan.
Kailangan lang nila ng telescope kung gusto nilang makita pati ang pagdaan
ng Uranus sa likod ng buwan.
Ang susunod na
ganitong palabas ng kalangitan ay mangyayari ulit sa Sept. 8, 2025.