|
Si Fomocod (kanan) kasama ang dalawang Pilipino court interpreter na tumulong sa kanya. |
Dahil sa hindi pagbabayad sa dalawang pakete ng tissue paper
na kinuha niya sa isang tindahan sa Tseung Kwan O, nakasuhan ng pagnanakaw ang
isang Pilipina sa Kwun Tong Court at pinagmulta ng $500 sa pagdinig kanina.
Nakahinga nang maluwag si M. Fomocod, 49 taong gulang na
domestic helper, dahil natapos na rin ang kaso na nagsanhi ng pagkabalam ng
renewal ng kontrata niya sa among pinagsilbihan na niya ng 16 na taon.
“Sana ma-process na ang kontrata ko,” ika niya, pagkatapos
marinig ang hatol ni Acting Principal Magistrate Amy Chan. Nataon kasi ang kaso habang nagpo-process siya ng kontrata sa Immigration Department.
Inutos din ni Magistrate Chan na ang multa ay kunin sa $500
na piyansang naibayad na ni Fomocod.
Nagsimula ang problema ni Fomocod nang hulihin siya ng pulis
noong Aug. 30 sa Wing Wah Dispensary sa Tong Yin St., Tseung Kwan O, na malapit sa kanilang tirahan.
Inakusahan siyang nagnakaw ng isang pakete ng tissue na pamunas
ng mukha at isang pakete ng toilet paper.
“Naakit ako sa tissue paper (na pambata) kasi wala akong
anak,” ika niya matapos ang pagdinig. “Kaya siguro nakalimutan ko ring
magbayad.”
Ayon sa kanyang abogado, siya ang tanging pinagkukunan ng
kabuhayan ng kanyang mga magulang sa Pilipinas, na pareho nang may kapansanan.