Responsive Ad Slot

Latest

Sponsored

Features

Buhay Pinay

People

Sports

Business Ideas for OFWs

Join us at Facebook!

Legal na interest sa utang sa HK, ibababa sa 48% simula Dec 30

03 November 2022

Sabi ng gobyerno, layon ng batas na protektahan ang mga mangungutang na maliit ang kita

Naguguluhan si Pearl, isang Pilipina na nagtatrabaho bilang domestic helper sa Hong Kong. Bigla kasing umuwi sa Pilipinas ang pinsan niya matapos umutang sa isang financing company ng $30,000 at pangalan ni Pearl at landline ng employer niya ang ginamit para dito.

Matapos itong umuwi nang walang paalam ay blocked na niya agad si Pearl sa Facebook at pati sa Whatsapp at Viber.

“Natatakot po ako at baka puntahan ako ng taga bangko dito sa bahay ng amo ko. Balisa  talaga ako sa mga nangyayari,” sabi ni Pearl sa isang mensahe.

PINDUTIN PARA SA DETALYE

Isa lang si Pearl sa maraming mga Pilipino sa Hong Kong na nahaharap sa malaking problema dahil sa utang. May ilan na tinakbuhan ng ipinangutang nila, mayroon din naman na sila mismo ang gumamit o nakihati sa perang inutang, at hindi alam kung paano makakapagbayad.

Karamihan ay hindi alam na base sa batas ng Hong Kong, maaring tumubo ng hanggang 60% na interest ang pera na kanilang inutang. 

Sa kaso ni Pearl halimbawa, maaring mapatungan ng $18,000 na interest ang inutang sa pangalan niya sa loob ng isang taon, kaya aabot sa $48,000 ang kabuuang kabayaran na dapat niyang bunuin.

MAY CHANCE KA PANG MANALO!

Sa kasalukuyang kalakaran na 48% ang interest na karaniwang pinapataw, ang dagdag na kabayaran sa isang taon ay aabot sa $14,400, na sobrang bigat pa rin.

Ang usapin tungkol sa mataas na legal na interest sa pautang sa Hong Kong ay matagal nang usapin, lalo na at marami sa mga itinatalagang maningil ng mga pautangan ay gumagamit ng masasamang salita kundi man dahas para mapilitang magbayad ang isang may utang.

Marami sa mga nagdurusa dahil sa ganitong kalakaran ay mga dayuhang manggagawa katulad ni Pearl.

PINDUTIN PARA SA DETALYE

Ngayon, pagkatapos ng mahabang talakayan ay ipinasa na din ng Legislative Council ang panukala na magbababa sa legal na interest rate kada taon sa 48% mula sa kasalukuyang 60%. Mag-uumpisa itong ipatupad sa darating na Disyembre 30. 

May posibilidad din na ibaba ito sa 36% dahil ang bawat pautang na may patong na 48% ay tatagurian agad na “extortionate” o hindi makatarungan, at maaring kuwestiyunin sa korte.

Sa isang pahayag na ipinalabas nitong Oktubre 26,  agad na pinuri ng Secretary for Financial Services and the Treasury na si Christopher Hui ang pagpasa ng panukala.

Press for details

"In recent years, there are growing concerns about interest rates charged on lending. Excessively high interest would harm borrowers, particularly those with low incomes, and lead to other social problems,” sabi ni Hui.

(Nitong mga nagdaang taon, dumarami ang nag-aalala tungkol sa mataas na interest na pinapataw sa utang. Ang masyadong mataas na interest ay makakasama sa mga nangungutang, lalo na yung maliliit ang kinikita, at magdudulot ng iba pang problema sa lipunan).

Dagdag niya, ang pagbaba ng interest sa pautang ay binase sa rekomendasyon ng Consumer Council, ang kasalukuyang patakaran ng mga nagpapautang, mga kaparehong gawi sa ibang bansa, at mga hinalaw na numero sa industriya.

BASAHIN ANG DETALYE

Ayon kay Hui, nag-umpisa nang gumawa ng hakbang ang gobyerno noong nakaraang taon para maibsan ang dalahin ng mga nangungutang, kabilang ang pagtalaga sa mga nagpapautang ng obligasyon na pag-aralan maigi ang kakayanan nilang magbayad, lalo na iyong walang maibigay na prenda.

Hinigpitan din daw nila ang pag-aanunsyo ng serbisyo ng mga pautangan, at binigyan ng dagdag-proteksyon ang mga pumapayag na maging “referee” (reference ang karaniwang gamit ng mga Pilipino) sa mga pautang.

Sa hinaharap ay patuloy daw nilang pag-aaralan kung dapat paghigpitan pa ang mga nagpapautang at palaganapin ang pagpaaalam sa publiko ng kahalagahan ng responsableng pangungutang para sa kapakanan ng lahat.

Ayon sa Money Lenders Ordinance ng Hong Kong, ang mga lisensyadong kumpanya lang ang maaaring magpautang, at maari lang silang magpataw ng interest ng ayon sa batas. Bawal silang maningil ng ekstra para sa “processing fee” o iba pang serbisyo.

Ang mga walang lisensya ay hindi maaring magpautang, at maaring kasuhan. Ang anumang ipautang nila ay hindi maaaring singilin bilang parusa ayon na rin sa batas na ito.

Ang sinumang mapatunayang lumabag sa panuntunang ito ay maaring pagmultahin agad ng $500,000 at ikulong ng hanggang dalawang taon. Kapag nadala sa korte ang kaso ang multa ay maaring umabot ng $5 million, at ang kulong, ng hanggang limang taon.

https://leade7.wixsite.com/thesunads/asiandragon
PADALA NA!
PRESS FOR DETAILS

CALL US!
Don't Miss