Ang mga Indonesian na nagpakita ng kanilang katutubong sayaw |
Huli man daw at
magaling, nairaraos din.
Ayon sa pahayag ng gobyerno, mahigit 22,000 katao ang nagsama-sama sa Hong Kong Cultural Centre Piazza sa Tsim Sha Tsui kahapon, Nov. 13, upang ipagdiwang ang ika-25 taong anibersaryo ng pagkatatag ng Hong Kong Special Administrative Region (HKSAR) sa ilalim ng China.
Noon pang July 1 ang eksaktong araw ng anibersaryo, pero hindi naisagawa agad ang malakihang pagdiriwang dahil sa mga mahigpit na patakaran kontra Covid-19.
Naging tampok sa selebrasyon ang pagpapakita ng kultura at sining ng mga residente mula sa 23 bansa, katulad ng Pilipinas, Indonesia,Bangladesh, Cambodia, Colombia, Dominican Republic, Hungary, Iran, Japan, Afrida, Thailand, United Arab Emirates at Venezuela.
Kabilang sa mga opisyal ng Hong Kong na nagbukas ng pagtatanghal sina Raistlin Lau na Under Secretary for Culture, Sports and Tourism; Vincent Liu na Director ng Leisure and Cultural Services, at si Donna Tang, executive manager for charities ng Hong Kong Jockey Club.
Ang mga opisyal na nagtatag sa palabas, kasama ang mga kinatawan ng iba-ibang konsulado |
Dumalo naman ang kinatawan ng mga konsulado ng iba-ibang bansa, samantalang nagpamalas ng kakayahan sa pagsayaw ang ilang grupo mula sa iba-ibang lahi.
Samantala, alinsunod sa temang “The Art of Masks,” nagkaroon ng display ng mga maskara, katulad ng ginagamit sa sayaw at pagdiriwang ng mga katutubo mula sa iba-ibang bansa. May mga booth din kung saan ipinakita ang kakaibang damit at gawang-kamay ng mga kasaling bansa, at saan din isinagawa ang pagtuturo ng sayaw at pagguhit ng mga maskara.
Ang pagdiriwang ay isinagawa sa suporta ng Hong Kong Jockey Club, na naggawad ng $630 million sa pamahalaan ng Hong Kong para ipagdiwang ang anibersaryo ng pagkatatag ng HKSAR.
Kasabay ng pagdiriwang ay tatlong online na programa ang naisagawa, at mapapanood sa website na ito: www.cpo.gov.hk/event/en-iecp-2022. Ang unang palabas tungkol sa mga katutubong pagtatanghal ay napanood kahapon, samantalang ang pangalawa at pangatlong programa ay mapapanood sa susunod na dalawang Linggo, sa Nov 20 at Nov 27.