The SUN
Sabay-sabay na inaasikaso ni Nuval (nakasalamin) ang mga dumagsa sa St Joseph dahil sa OEC |
Isa ka ba sa mga pauwi sa Pilipinas at nahihirapang
kumuha ng OEC (overseas employment certificate) exemption na kailangan mo para
makabalik sa trabaho mo dito sa Hong Kong?
Huwag nang magtanong kung kani-kanino dahil may mga
grupo na matiyagang tumutulong sa mga kailangan ng OEC, nang walang kabayaran
na hinihintay.
Kabilang sa kanila ang Global Alliance Hong Kong sa
pamumuno ni Marites Nuval, isang dating regular na volunteer sa Philippine
Overseas Labor Office na ang talagang tinututukan dati ay ang pagtuturo at
pagtulong sa mga kapwa niya migrante para makakuha ng OEC.
PINDUTIN PARA SA DETALYE |
Magmula nang magbago ang pamunuan sa POLO na sinundan
pa ng pandemya ay tinanggal na ang mga volunteer na dating nakatalaga sa computer
room ng kanilang opisina. Dahil dito ay kanya-kanyang sikap na lang ang mga
pauwing manggagawa para makakuha diretsa ng OEC exemption, o appointment sa
POLO kung kinakailangang baguhin ang kanilang record.
Sa mga nagdaang buwan ay kinupkop ng Metrobank ang GA at
pinagamit ang kanilang opisina sa 15th floor ng United Centre
Building para maalalayan ang mga hirap makakuha ng OEC.
Pero mula noong katapusan ng Oktubre ay hindi na libre
ang kuwartong pinapagamit sa mga volunteer kaya nagtiyaga na lang silang mag-istambay
sa may footbridge ng United Centre kung saan matatagpuan ang opisina ng POLO at
ng Konsulado, para ituloy ang pagbibigay nila ng napakahalaga at napapanahong
serbisyong ito.
|
Ngayong nagluwag na ng patakaran ang Hong Kong para sa
mga pauwi, at nalalapit na rin ang kapaskuhan ay lalong dumadami ang nangangailangan
ng tulong para makakuha ng OEC, na siyang unang-unang hinahanap sa airport sa
Pilipinas sa mga paalis ng bansa para magtrabaho.
Marami din kasi ang ilang taon nang hindi nakakauwi at mismong ang Immigration na ang nagsabi na kailangan nilang mag- exit o bumalik muna sa bansa na kanilang pinanggalingan.
Dahil alam niya ang kahalagahan ng serbisyong ito ay
nakipag-ugnayan si Nuval sa Filipino group sa St Joseph’s church sa Garden Road,
Central para doon ituloy ang kanilang pagseserbisyo.
Ang karatula para sa libreng serbisyo ng Global Alliance at St Joseph Church |
Ayon kay Nuval, malamang ay magpapatuloy pa ito
hanggang Disyembre dahil mas marami sa mga migrante ang nakatakdang umuwi sa
Pilipinas para doon mag Pasko.
Tutok at tiyaga lang daw ang puhunan nila sa pagbibigay ng serbisyo na ito dahil mahirap talagang makakuha ng OEC exemption o kahit ang appointment na kailangan ng mga bagong-palit ng amo, sa ilalim ng bagong sistema na ipinatupad kamakailan lang.
Nakadagdag pa ang pagpapatupad ng bagong regulasyon na
kailangang maging miyembro muna ng Pag-IBIG Fund ang isang OFW bago makakuha ng
OEC exemption.
PINDUTIN PARA SA DETALYE |
“Marami sa mga hindi naman nagpalit ng amo ang hindi rin makakuha ng OEC exemption sa bagong website, kahit dati na nila itong nagagawa sa dating sistema sa ilalim ng Balik Manggagawa Online,” sabi ni Nuval.
Dagdag-pasakit din daw na cell phone lang ang kadalasang gamit ng mga nagbabasa sa website, o yung mga dapat sagutin ang form para makumpleto ang pagrerehistro nila o pagkuha ng appointment.
“Kapag talagang kulang na sa oras ay sa Pilipinas na
lang namin sila binu-book ng appointment para makakuha ng OEC,” sabi pa ni
Nuval.
Press for details |
Dahil sa paulit-ulit nilang pagpasok sa napakahirap na website para sa OEC ay marami na daw silang nakitang paraan para mas mapabilis ang pagkuha ng exemption ng isang pauwing manggagawa.
Ang isa dito ay ang pagpunta online sa iba-ibang
sangay ng POEA sa Pilipinas para mapabilis ang pagkuha ng panibagong password
ng mga hindi mahanap ang kanilang record sa bagong website. Ayon kay Nuval, may
sangay na naipapadala ang password sa loob ng 24 na oras, samantalang inaabot
ng ilang araw bago ito makuha sa ibang lugar.
BASAHIN ANG DETALYE |
Nalaman din nila na iyong mga hindi pa nakakuha ng
membership number sa Pag-IBIG ay maaring laktawan muna ang patlang para dito
para makakuha na ng appointment sa POLO. Masyado daw kasing mahaba ang pila
lagi papunta sa opisina ng Pag-IBIG sa Konsulado kaya kung ito ang inuna ng
isang aplikante ay mas lalo pang matatagalan ang pagkuha niya ng appointment.
Ibayong tiyaga ang kailangan, lalo at telepono lang ang karaniwang gamit ng mga pauwing OFW |
Sa hirap nang pinagdadaanan ng bawat migrante na kailangang makakuha ng OEC para makauwi ay hindi mapigilan ni Nuval ang umasa na sana ay payagan na silang makabalik at pumirmi muli sa POLO para mas lalo pang dumami ang kanilang matulungan.
Kailangang kailangan din daw kasi ito ngayon dahil sa
dami ng mga migranteng manggagawa na nangangarap na makabalik nang muli sa
Pilipinas pagkatapos ng ilang taong “pagkakakulong” sa Hong Kong sa panahon ng
pandemya. Hindi na daw sana sila pinahihirapan pa.
PADALA NA! |
PRESS FOR DETAIL |
CALL US! |