Sakay ng bus si Menalyn Agustin pagkatapos ng pagdinig ng kaso niya sa Labour Tribunal. |
Huwag agad pipirma, kahit pangakuan o takutin ka pa ng
employer mo.
Ito ang aral na nakuha ni Menalyn Agustin nang
magharap sila ang dating amo niyang si Lam Kit Man sa Labour Tribunal ngayon
(Nov. 29) upang habulin ang mga dapat bayaran sa kanya pagkatapos siyang mag-terminate
ng kontrata bilang domestic helper.
Mabuti na lang at lumabas din ang katotohanan.
PINDUTIN PARA SA DETALYE |
Umabot sa $18,569.53 ang hinabol ni Agustin: $3,136.45 para sa hindi nabayarang suweldo niya, $844.08 para sa annual leave, $2,489 para pambili ng air
ticket mula Hong Kong hanggang Laoag, $100
bilang food and travelling allowance at $12,000 bilang “damages” o danyos dahil sa
stress na inabot daw niya noong nagtatrabaho pa siya sa employer.
Pero ayon sa dokumentong iprinisinta ng employer kay Presiding
Officer Charmaine Lo, na nagsilbing tagapamagitan sa dalawang panig, wala nang dapat
habulin si Agustin dahil nabayaran na siya ng sapat. Ang dokumento ay pinirmahan ng
mag-amo noong Aug 14.
Inamin ni Agustin na pumirma siya sa dokumento dahil tiwala
siya na babayaran siya bago sumapit ang napagkasunduan nilang pagbaba niya noong
Aug 21, pero hindi daw ito ang nangyari.
PINDUTIN PARA SA DETALYE |
“Hindi magiging madali para sa iyo na pasinungalingan ang dokumentong
ito,” ika ni Lo kay Agustin.
Base sa dokumentong pinirmahan niya, ang mali lamang sa mga nabayaran ay ang para sa annual leave niya na 5.5 na araw, imbes na 5 araw, kaya kulang ng $83.28 ang naibayad kay Agustin, dagdag ni Lo.
Napansin din niya na kulang ng anim na araw ang pinagsilbihang
one-month notice ni Agustin, kaya dapat niya rin itong bayaran.
Pero sa pagtatanong ni Lo, lumabas na may isa pang
pinapirmahan ang amo kay Agustin.
Nang sumapit ang araw ng pagbaba niya, hindi pumayag ang amo
at asawa nito, dahil may pinapirmahan din silang dokumento na dapat magbigay si
Agustin ng tatlong buwang pasabi bago bumaba, at kung hindi ay magbabayad siya
ng $6,000.
Press for details |
Alam ni Agustin na labag ito sa Employment Ordinance, kaya tumawag siya ng pulis para tulungan siyang makaalis. Dahil dito, lumabas din na hindi talaga nabayaran si Agustin ng kanyang suweldo at ng para sa tiket niya pauwi.
Nang usisain naman ni Lo ang tungkol sa air ticket,
nagreklamo ang employer na masyadong mahal ang presyong inilagay ni Agustin. Bilang tugon ay hiniling ni Lo na kumuha ang dalawang panig ng dalawa pang quotation
upang malaman kung ano talaga ang dapat na presyo ng tiket.
At nang iginiit ni Agustin na hindi naging maganda ang trato
sa kanya ng employer sa loob ng dalawang taon at walong buwang inilagi
niya, sinabi ni Lo na ang Labour Tribunal ay obligadong aksiyonan ang mga
alegasyong tulad nito kaya may posibilidad na iakyat sa korte ang kaso.
Ayon sa kanya, ang pinakamaagang pagdinig ay sa susunod na
taon na, at baka abutin ito ng isang taon bago ma-resolba. Malaki rin ang gastusin,
dahil kailangang kumuha ng abogado, maliban pa sa oras na gugugulin nila.
BASAHIN ANG DETALYE |
Pero ipinaliwanag niya na sinisikap ng Labour Tribunal na
mapagkasundo ang dalawang panig nang walang lumalabas na biktima at may sala; wala
ring mananalo at matatalo.
Kaya itinigil muna ni Lo ang pagdinig upang pag-isipan ng
magkabilang panig ang susunod nilang hakbang.
Habang nasa recess, tinanong si Agustin ng staff ni Lo kung
tatanggapin ba niya ang alok ng employer na $2,000. Nang tumanggi siya, tinanong
siya nito kung ano ang halagang katanggap-tanggap sa kanya. Sinabi niya na
makikipag-ayos siya kapalit ng $5,000.
Pagbalik nila sa korte ay nagkasundo sila na babayaran ni Lam
si Agustin ng $4,500 bago magpirmahan para isara na nang
tuluyan ang kanilang alitan.
Tinanong ni Lo si Agustin bilang paniguro: “Kinukumpirma mo
ba na pinirmahan mo ito nang boluntaryo?”
“Opo,” sagot naman niya.
Sa panayam sa The Sun, sinabi ni Agustin na hindi naman talaga
siya seryosong habulin ang $12,000 na danyos. Idinagdag lang nya ito sa kaso
dahil may nagsabi sa kanya na tinatanggap lang ng Labour Tribunal ang mga kaso
kung ang halagang hinahabol ay hindi bababa sa $15,000.
Kapag bumaba sa halagang ito ang pinagtatalunang halaga ay dapat sa Minor Claims Adudication Board dapat isampa ang kaso.
PADALA NA! |
CALL US! |