Ni Daisy CL Mandap
Hindi lahat ng mga nagpositibo sa Covid, katulad nitong grupo na inalagaan ni Fr John Wotherspoon, ay nakatanggap ng ayuda mula sa OWWA |
Nakatakdang magsagawa ng protesta sa labas ng Konsulado bukas, simula alas dos ng hapon, ang ilang grupo ng mga migrante dahil sa pagtanggi ng Overseas Workers Welfare Administration na bigyan ng ipinangakong US$200 na ayuda ang maraming mga Pilipinong manggagawa na nagka Covid-19.
Ayon sa
isang pahayag na ipinalabas ng United Filipinos in Hong Kong (Unifil-Migrante
HK), ilang buwan mula nang dumagsa ang bilang ng mga nagka Covid sa tinatawag
na fifth wave ng pandemya ay maraming mga migrante pa rin ang hindi nakakatanggap
ng ayuda mula sa OWWA.
Apat sa
mga bigong makakuha ng tinatawag na “cash assistance” ang nakatakdang
magsalita, at inaanyayahan ng Unifil ang iba pang hindi din nabigyan ng tulong
na makilahok at isaboses ang kanilang pagkadismaya.
PINDUTIN PARA SA DETALYE |
Karamihan
sa mga tinanggihang bigyan ng ayuda ay nagrereklamo sa higpit at paiba-ibang
panuntunan ng OWWA tungkol dito.
Ang dating
tinawag na “Akap” fund ay unang pinamahagi noong Pebrero ng taong 2020, para
tulungan ang lahat ng mga overseas Filipino workers (OFW) na nagka-Covid o
naapektuhan ang trabaho dahil sa pandemya.
Noong
panahon na iyon ay marami ang nabigyan ng tig Php10,000 sa mga OFW na hindi
nakaalis ng Pilipinas para magtrabaho sa ibang bansa dahil sa biglang
paghihigpit ng mga patakaran sa mga bumibiyahe.
|
Sa Hong
Kong, kabilang sa mga nakatanggap ng tig HK$1,500 mahigit ang mga hindi
pinalabas ng kani-kanilang mga amo para mag dayoff na ang ginawang dahilan ay
ang pagkalat ng coronavirus, o yung mga natigil sa trabaho dahil tinawag silang
“close contact” ng mga naimpeksyon.
Kalaunan
ay hinigpitan ang patakaran, at hiningan na ang bawat aplikante ng “medical
certificate” o patunay mula sa doktor na nagka Covid sila – bagay na tinutulan
ng marami dahil hindi naman sila pinalabas ng bahay para magpatingin sa gitna ng biglang pagdagsa ng mga kaso.
Nitong
huli ay mas lalo pa itong hinigpitan. Ayon sa pinakahuling pahayag ng OWWA Hong
Kong, ang maari lang mabigyan ng ayuda ay: (1) mga aktibo o bayad na miyembro
ng OWWA, (2) at may medical certificate na nagpapatunay na may sintomas ang
pasyente na nangailangan ng pagpapaospital o pagdadala sa kanya sa isang
isolation facility para gamutin.
PINDUTIN PARA SA DETALYE |
Bukod
dito, sa sinasabing medical certificate ay dapat na nakasulat na ang pasyente
ay may Covid-19, at pati na rin ang mga sintomas nito at anong klaseng paggamot
ang isinagawa.
Dapat din
na may kalakip itong (1)positibong resulta sa isang PCR test na isinagawa sa
isang rehistradong laboratory; (2) patunay nang pagpapalabas sa pasyente mula
sa ospital o isolation facility; (3) patunay mula sa gobyerno ng HK na gumaling
na ito (o recovery record); (4) pasaporte at (5) HK ID.
Hindi rin
pwedeng basta-basta na lang pumunta sa OWWA para isumite ang aplikasyon dahil
kailangang may appointment muna na maari lang gawin sa pamamagitan ng
pagrehistro sa isang website, at maghintay ng sagot sa pamamagitan ng email.
Mas mahigpit ang patunay sa Covid na hinihingi ng OWWA kaysa sa gobyerno ng HK |
Sa kabila ng dami ng mga hinihinging patunay ay dagsa pa rin ang pumipila sa opisina ng OWWA para magbakasakali, lalo sa araw ng Linggo, nguni’t umuuwing sawi.
Kabilang
sa kanila si Chrislyn Gervacio, na hindi napigilang ihinga ang sama ng loob sa
isang mensahe sa The SUN: “Ang tagal kong pumila tapos wala naman akong napala.
Ang susungit pa ng ibang staff nila.”
Ayon naman
kay Hydie Absazaldo, na nagbakasakaling humingi din ng tulong bago ang biglaan
niyang pag-uwi dahil sa problema sa pamilya: “Ang dami naming pumunta doon.
Yung dito nga sa building namin dinala pa sa Penny’s Bay (quarantine facility)
pero dahil wala namang sulat o reseta ay wala ding nakuha.”
Press for details |
Dagdag pa
niya, “Iyon pala ay hindi para sa lahat kundi para lang sa mga na ospital at
quarantine. Grabe naman po kung ganoon kasi hindi naman lahat ng OFW na nagka
Covid ay dinala ng amo sa ospital o quarantine facility.”
Ang laki
daw sanang tulong sa kanya dahil umuwi siya na halos walang dalang pera.
Sabi naman
ni Jen Solidar, nabigo din siyang makakuha ng ayuda dahil SMS lang para sa
kanyang isolation order na mula sa gobyerno ng HK ang kanyang naipakita. Kahit
gusto daw niyang magpakuha para magamot noon ay hindi siya inutusang lumipat ng
quarantine facility dahil na rin siguro sa dami ng mga mas malala ang kundisyon
kaysa sa kanya.
Sa unang
araw pa lang daw niyang magka Covid ay nagkombulsyon sya dahil sa taas ng
kanyang lagnat. Inuubo din siya at sinisipon, at masakit na masakit ang kanyang
buong katawan. Nawalan pa nga daw siya ng boses, at isang buong linggo na may
lagnat.
Pero dahil
hindi siya naospital o nailipat sa isolation facility at walang medical
certificate ay hindi siya pumasa sa pamantayan ng OWWA HK.
PINDUTIN PARA SA DETALYE |
Ganito rin
ang ipinaabot na sentimyento ng Mission for Migrant Workers, na nakatanggap ng
may 100 apela mula sa mga OFW para tulungan silang makakuha ng ayuda kahit
tinanggihan na ng OWWA HK ang kanilang mga aplikasyon.
Ayon kay
Edwina Antonio, na case officer ng Mission, may 31 kaso daw sila na “under
evaluation” pero ang iba ay isinantabi na dahil daw sa patakaran na ipinalabas
ng OWWA Main Office noong Apr 1 na kailangan nang magpakita ng “medical
certificate” dahil wala na daw “covid surge” sa Hong Kong.
Ito ay sa
kabila ng patuloy na pagdagda ng mga kaso sa Hong Kong, na ang bilang ay
umaabot pa rin sa 5,000 kada araw sa ngayon.
Sabi ni
Antonio, “Dapat ang OWWA HK ang nagsasabi kung ano ang kalagayan sa Hong Kong –
ano lang ang binibigay na documents kapag Covid +.”
Kapag kasi ini report sa gobyerno ng HK na nag positive ang isang tao ay papadalhan sila ng “isolation order” kung saan papipiliin sila kung gusto nilang mag quarantine sa bahay o sa isang pasilidad ng gobyerno.
Dati, kapag nakita ng gobyerno na maliit ang tinutuluyang bahay ng isang pasyente at iisa ang toilet ay uutusan na sila na lumipat sa Penny’s Bay o iba pang isolation facility. Pero kahit nailipat sila doon ay walang doktor na tumitingin sa kanila, at hindi rin nililista isa-isa ang mga sintomas nila, katulad ng gusto ng OWWA. Kailangan lang silang mag self-test araw-araw at i-report ang resulta sa awtoridad.
Kapag pinili naman nilang magpagaling sa bahay ay ganoon lang din ang dapat nilang gawin. Mag rapid antigen test araw-araw, at kapag nag negatibo sa ika-6 at ika-7 araw ay maari nang lumabas kahit walang utos ng gobyerno.
“Kaya hindi usapin kung may surge o wala, ang issue, nagka Covid sila at kailangan ng tulong,” sabi pa ni Antonio.
“Alam
naman ng OWWA HK ang kalagayan dito at ano lang documents ang binibigay. Nasa
isolation order naman (ang) name, HKID number, kaya iyon lang patunay na nagka
Covid ang mga claimants. Bakit pinahihirapan sila?”
Isa pa,
hindi naman daw maaring pekehin ang isolation order dahil pinapadala ito ng
mismong Centre for Health Protection sa pamamagitan ng SMS, at maaaring i-check
ng OWWA HK sakaling may pagdududa sila.
Ito kasi
ang isa sa mga sinabing dahilan ni OWWA welfare officer Virsie Tamayao sa isang
grupo ng mga aplikante na nagpunta at naghintay sa labas ng opisina niya
maghapon noong Sept 11, pero bigong makakuha ng tulong. May kaso na daw silang
nakita na pineke ng aplikante ang mga dokumento niya.
Sabi din
niya, may pera pa daw ang OWWA para sa ayuda at marami pa din ang nakakakuha. “It’s
just that others were not able to submit the requirements as per office
guidelines issued.” (Hindi lang naibigay ng ibang aplikante ang mga tamang
dokumento ayon sa ipinalabas na patakaran ng aming opisina).
Payo niya
sa mga nagrereklamo, sabihin sa mga
opisyal ng OWWA sa Manila na baguhin ang mga patakaran para sila mabigyan ng tulong.
PADALA NA! |
CALL US! |