Si Renalyn Guiang at ang among nanakit sa kanya, si Leong Pui-Chi. |
Nahatulang makulong ng mahigit apat na buwan ang among nanakit sa kanya, pero awa ang naramdaman ng Pilipinang si Renalyn Guiang nang makita niya ulit ang babaeng nagpadama sa kanya ng takot at desperasyon sa loob ng 21 buwan.
“Nangayayat siya,” ika ni Guiang.
Ito ay kahit malinaw pa rin sa kanyang alaala ang huling karahasang dinanas niya sa kamay ng dati niyang amo na si Leong Pui-Chi, 48 taong gulang, na binasahan ng hatol noong Huwebes, Sept. 29, sa Kwun Tong Courts.
PINDUTIN PARA SA DETALYE |
Napatunayan sa harap ni Magistrate Lam Tsz-kan ang anim sa 12 kaso ng pananakit sa Pilipina mula Dec. 23, 2020 hanggang Sept. 9, 2021, na isinampa laban kay Leong.
Para sa unang limang pananakit -- na kalimitan ay pagsampal, pagbatok at pagkutos habang siya ay sinisigawan -- isang buwan ang ipinarusa sa bawa’t kaso, na ipagsisilbi ni Leong nang sabay-sabay.
Ang ika-12 at huling pananakit, na nangyari noong Sept. 9, 2021 sa bahay ng amo sa The Grandiose sa Tseung Kwan O, ay nagdulot ng karagdagang parusa kay Leong ng tatlong buwan at dalawang linggo.
Ibig sabihin, ang kabuuang sentensya ni Leong ay pagkakakulong ng apat na buwan at dalawang linggo.
PINDUTIN PARA SA DETALYE |
Pero hindi agad ikinulong si Leong dahil pinayagan siyang magpiyansa habang inaapela niya ang kanyang sentensya sa mataas na hukuman.
Sa isang panayam, ikinuwento ni Guiang ang huling karahasang nagtulak sa kanya upang, sa wakas, ay magreklamo na sa pulis.
“Galit na galit siya noon,” ani Guiang. “Pinuntahan niya ako
sa loob ng toilet at sinampal ng maraming beses, at binatukan sa side ng ulo
ko, sa tuktok. Iyong dalawang mata ko idiniin niya. Parang dinudukot niya ang mga
mata ko.
“Umiyak na po ako at nagmakaawa na itigil na nya. Buti na
lang napindot ko yung record ko (sa mobile phone)” na nagsilbing ebidensiya na
nagdiin sa amo niya.
Nang itigil ng amo ang pag-atake sa kanya dahil kailangan niyang sunduin sa paaralan ang anak nito ay naisip ni Guiang na tumawag sa pulis. Pero nagpigil pa rin siya dahil natakot siya na baka agawin ng amo ang kanyang telepono, at magkagulo sila sa loob ng bahay at mabaliktad siya.
Pero habang nag-aalmusal siya sa isang fastfood restaurant matapos umalis ng bahay ay naramdaman niyang mahapdi ang sugat sa pisngi niya, at makirot ang kanyang matang namumula. Tumawag siya sa isang pinsan at dalawa niyang kapatid, na nagpayong magsumbong siya sa pulis.
Press for details |
Dumating ang pinsan niya at sinamahan siya sa mga clinic na
isa-isang tumanggi nang malaman ang dahilan ng sugat niya, at itinuro sila sa Tseung
Kwan O Hospital. Pagkatapos na gamutin ang sugat niya ay pinayuhan siya ng doktor
na magsumbong sa pulis na nakatalaga sa ospital.
Hindi na siya bumalik sa amo, at kinupkop siya sa boarding house ng simbahang kinabibilangan niya, ang Jesus is Lord.
Tinulungan din siya ng
Mission for Migrant Workers, na hinihingan niya ng payo pagkatapos ng unang
karahasang ginawa sa kanya. Doon din siya natutong sumulat ng diary tungkol
sa mga nangyari sa kanya at magtabi ng ebidensiya.
Pagkatapos ng imbestigasyon ng pulis, sinampahan ng reklamo ang amo na nagdetalye sa 12 pagkakataon na ayon kay Guiang ay sinaktan siya ng amo.
PINDUTIN PARA SA DETALYE |
Nakatakdang umuwi sa Oct. 11 si Guiang sa kanyang asawa at dalawang binatilyong anak sa Pagudpud, Ilocos Norte.
“Gusto ko silang mayakap at
maalagaan muli,” ika niya.
Ang problema na lang niya ay pambayad sa door-to-door para
sa naipon niyang mga ipapadala sana sa pamilya, dahil naubos na ang ibinayad ng
amo matapos niya itong kasuhan sa Labour Tribunal.
|