Iginiit ni Glenny Flores sa pagdinig sa Eastern Court na hindi siya nagkasala |
Tumanggi ang isang Pilipina sa kasong pagnanakaw ng dalawang shopping bag ng mga pinamili sa isang tindahan nang humarap siya sa Eastern Court ngayon (Oct. 11).
Sa pamamagitan ng kanyang abogado, iginiit ni G. Flores
na napagbintangan siya matapos magkasagutan sila ng cashier at hindi nagka-intindihan
sa isang sangay ng Fusion Supermarket sa Happy Valley noong July 1.
PINDUTIN PARA SA DETALYE |
Dahil dito, itinakda ni Principal Magistrate Ada Yim sa Nov.
28 ang pre-trial review upang balangkasin ang mga ebidensiya at saksi laban kay
Flores, 34 taong gulang at domestic helper, at upang siya rin ay makapaghanda
ng kanyang depensa.
Kinasuhan si Flores matapos arestuhin ng pulis dahil dalawang
beses tumunog ang alarm sa may pintuan ng tindahan habang siya ay papalabas, na
nagpapahiwatig sa staff na may inilalabas na produktong hindi nabayaran.
PINDUTIN PARA SA DETALYE |
Dala-dala niya noon ang kanyang pinamili na 21 pakete ng
tsokolate, isang bote ng shampoo, tatlong bote ng conditioner, dalawang pakete
ng plaster para sa sakit ng katawan at dalawang tubo ng pang-spray na liniment
na nakasilid sa dalawang shopping bag.
Noong tumunog ang alarma habang paalis si Flores, bumalik
siya sa cashier upang bayaran ang produktong nagsanhi ng alarma, na isang
tsokolate.
Nang papalabas na siyang muli at tumunog ang alarma, bumalik
muli siya sa cashier. Dito na sila nagkasagutan – siya sa Inggles at ang
cashier sa Cantonese. Tumawag naman ng pulis ang staff ng tindahan at pinaresto
siya.
Ayon sa abogado ni Flores, walang intensiyon si Flores na
hindi bayaran ang isang tsokolate na nagsanhi ng ikalawang pagtunog ng alarma. Wala
ring CCTV footage ang tindahan, dagdag niya.
Hiningi ng abugado na isalang sa korte ang pulis na umaresto
kay Flores upang mausisa sa isang cross-examination, at tawagin ang isa pang pulis bilang
testigo.
PINDUTIN PARA SA DETALYE |
Sinabi ni Magistrate Yim na kataka-taka na dalawang beses tumunog ang alarma at walang CCTV footage ang tindahan.
Sinabi rin niyang kailangang maipaliwanag ni Flores kung bakit binayaran niya ang isang tsokolate, pero hindi
ang pangalawa.
Inutusan niya ang taga-usig na magdala sa korte ng mapa ng loob ng tindahan upang makita kung gaano kalayo ang cashier at ang labasan, at mga larawan nito.
PADALA NA! |
CALL US! |