Responsive Ad Slot

Latest

Sponsored

Features

Buhay Pinay

People

Sports

Business Ideas for OFWs

Join us at Facebook!

Wala nang quarantine sa mga papasok ng HK

23 September 2022

Ni Daisy CL Mandap

Pinahayag ang pagtanggal ng quarantine sa isang panayam ni CE Lee at iba pa niyang opisyal kanina

Simula sa 6am ng Lunes, Sept. 26, ay hindi na kailangang mag quarantine sa hotel ang lahat ng mga lilipad papasok sa Hong Kong mula sa ibang bansa, sa ilalim ng bagong “0+3” na patakaran na ipinahayag ngayong Biyernes ni Chief Executive John Lee.

Ibig sabihin nito, wala ng hotel quarantine pero bibigyan pa rin ng amber o yellow code ang mga bagong dating sa loob ng susunod na tatlong araw.

Ayon kay CE Lee, ang ibig sabihin nito ay hindi pa rin makakapasok sa mga restaurant at iba pang delikadong lugar ang mga bagong dating na naka amber code sa loob ng tatlong araw.

PINDUTIN PARA SA DETALYE

Pero pagkatapos nito at negative pa rin ang resulta ng mga test ng bagong dating ay maari na siyang pumasok sa mga dating bawal na lugar, at gawin ang ano mang gusto niyang gawin, katulad ng kahit na sinong ordinaryong tao sa loob ng Hong Kong,

Bukod dito, ang mga bagong dating ay kailangan pa ring sumailalim sa PCR test sa araw ng kanilang pagdating, at sa ika-2, 4 at 6 na araw pagkatapos. Dapat din silang mag rapid antigen test araw-araw sa loob ng pitong araw pagkadating.

Dagdag ni Lee, ang pagluluwag ng mga patakaran ay base sa siyentipikong pagsusuri na nagpapakita na humupa na ang pagdagsa ng mga kaso ng Covid-19.

Dala din ito ng  kagustuhan ng pamahalaan na balansehin ang pangangalaga sa kalusugan ng mga tao sa Hong Kong, at ang pangangailangan na isulong na muli ang ekonomiya ng siyudad.

Sabi ni CE Lee, dapat din isaalang-alang ang pagpapasigla sa ekonomiya ng HK

Kasama din sa mga pinaluwag na patakaran ang pagtanggal sa negative test result sa isang PCR test na kasalukuyang hinihingi sa lahat ng mga lilipad papunta ng Hong Kong.

Ang dapat na lang ipakita ng isang padating sa Hong Kong ay negative result sa rapid antigen test na kinuha ng di lalampas sa 24 oras bago ang kanilang takdang paglipad. Kailangan nila itong i-upload sa kanilang online health declaration para makapasok sa Hong Kong.

Pagdating sa airport, isasailalim pa rin ang lahat ng mga bagong dating sa isang PCR test, pero hindi na nila kailangang hintayin ang resulta. Maari na silang umalis sakay ng kahit na anong sasakyan- kabilang ng airbus, taxi, at iba pa – at dumiretso sa bahay, sa hotel, at kung saan man ang gusto nilang tuluyan.

Pindutin para sa detalye

Kapag nagpositibo sa test na ito, o sa PCR test sa ika-4 at ika-6 na araw pagkadating ay maaring manatili sa bahay, hotel o sa pasilidad ng gobyerno, batay sa pagsusuring isasagawa ng Centre for Health Protection.

Ang isa pang pagbabago ay ang pagpapasok sa mga residente na hindi nabakunahan. Kaya lang, hindi pa rin sila makakapasok sa ilang mga lugar dito sa ilalim ng vaccine pass kung hindi pa rin sila magpapabakuna.

Ang mga turista na hindi bakunado ay hindi pa rin papapasukin, liban na lang kung may “medical exemption certificate” sila, na ang ibig sabihin ay hindi sila maaring bakunahan sanhi ng sakit o iba pang kadahilanan.

Press for details

Sa mga kasalukuyang naka hotel quarantine ay maari na silang lumabas simula sa Lunes kapag negatibo ang lahat ng mga itinakdang test nila.

Ayon naman kay Vincent Fung, pangalawang kalihim ng Department of Health, ang mga naka book na para sa kanilang quarantine ay dapat na bigyan ng refund ng hotel.

Dagdag ni Lam Sai-hung na kalihim ng Transport Department, dadagdagan na muli ng Airbus ang kanilang biyahe papunta at pabalik sa airport, hindi katulad ngayon na madalang na madalang ang biyahe, lalo na yung mga galing sa Chek Lap Kok.

BASAHIN ANG DETALYE

Ipinaliwanag naman ng Health Secretary na si Lo Chung-mau na hindi pa rin maaring tanggalin ang lahat ng mga paghihigpit sa mga parating dahil ayaw ng pamahalaan na makapasok ang mga bagong variants ng Omicron dito.

Ayon kay Prof Lo, hindi pa pwedeng tanggalin ang lahat ng mga paghihigpit kontra sa Covid

Kailangan pa rin pangalagaan ang mga bata at matatanda na malaki ang posibilidad na magkaroon ng matinding sintomas kung matamaan ng coronavirus, lalo pa’t hanggang ngayon ay kulang pa rin sa inaasahan ang nagpapabakuna sa kanila.

Gayunpaman, di hamak na mas mataas na ang porsyento ng mga nagpapabakuna sa mga edad 11 pababa, at 80 pataas, kumpara noong Pebrero hanggang Abril ng kasalukuyang taon, ang kasagsagan ng “fifth wave” ng pandemya.

Ayon pa kay Lo, ang pagtaas ng bilang ng mga nabakunahan ang isa sa mga malaking dahilan kung bakit bumagal na muli ang pagkalat ng coronavirus.

Pati daw ang bilang ng mga dumarating na may dalang Covid ay bumaba na din, gayong tumaas ng 20% ang bilang ng mga pumasok sa Hong Kong simula noong Agosto, nang ibaba sa tatlong araw ang hotel quarantine.

Ibig daw sabihin nito ay bumabagal na rin ang pagdami ng mga nahahawaan ng coronavirus sa buong mundo.

Dagdag pa niya, wala ni isa sa mga bagong dating na naka amber code ang nahuling lumabag sa patakaran, kaya tiwala sila na mananatiling maayos ang pagpapatupad ng sistemang ito kahit tinanggal na ang hotel quarantine.

https://leade7.wixsite.com/thesunads/asiandragon
PADALA NA!
CALL US!
Don't Miss