Pauwi na si Sheryl matapos marinig ang hatol sa kanyang kasong overstaying. |
Hindi agad naintindihan ni Sheryl Arquiza ang hatol sa kaso niyang overstaying, o pagtira sa Hong Kong nang walang visa sa nakalipas na 11 buwan, kaya balisa siya nang lumabas sa korte sa Shatin Magistracy.
Hinatulan kasi siya ni Acting Principal Magistrate David
Cheung Chi-wai ngayon (Sept. 7) ng 12 araw na pagkabilanggo para sa kasong paglabag sa kondisyon
ng kanyang pagtira sa Hong Kong. Pero nagtaka siya kung bakit itinuro siya ng mga
guwardya palabas.
PINDUTIN PARA SA DETALYE |
“Ay salamat, Lord,” ang bulalas niya nang ipaliwanag sa kanya ang nangyari -- na suspendido ang kanyang sentensiya nang 12 buwan, kaya hindi siya makukulong kung hindi siya magkakasala ulit sa loob ng isang taon.
Nakangiti siyang naghintay sa kahera ng korte sa ikalawang palapag, kahit natagalan
ang pagbaba ng papeles ng kaso niya, upang bawiin ang $300 na inilagak niya bilang
piyansa.
Kinasuhan ng Immigration Department si Arquiza matapos siyang sumuko noong July 7.
Ayon sa kanya, hindi na siya naghanap ng employer simula
nang ma-terminate siya bilang domestic helper noong July 21, 2021, dahil
ikalawa na niya itong pagkasisante.
“Natakot ako na hindi na ako payagan ng Immigration na
mag-process ng papeles ko dito,” ika niya.
Sa 11 buwan niyang buhay patago-tago sa Hong Kong, may
nagmagandang loob na bigyan siya ng tirahan at part-time na trabaho, at natutunan niyang
magtinda ng ukay-ukay sa mga kababayan.
“Mas mahirap ang buhay,” ika niya. “Minsan nakakapagpadala
lang ako ng $100 o $300 sa isang buwan. Minsan talagang walang kita, kaya walang
padala.”
Press for details |
Si Arquiza ay single parent sa dalawang anak na lalaki, edad 13 at 11, na alaga ng kanyang ina at ama sa Zamboanga.
Nagdesisyon siyang umuwi nang mamatay ang kanyang ama noong Hulyo.
Pero bilang overstayer, alam niyang pipigilan siya ng Immigration sa airport kung magtangka siyang umuwi.
BASAHIN ANG DETALYE |
Bago sumuko sa Immigration ay dumaan muna siya sa Konsulado
upang humingi ng sulat upang hindi siya masyadong idiin sa kanyang kasalanan. Kinuha
ng Immigration ang kanyang passport bago siya sinampahan ng kaso.
Nakatulong ang kanyang pagsuko dahil, maliban sa 1/3 na
discount sa pagkakakulong sa 24 na araw dahil umamin siya sa sakdal, ay
binawasan pa ni Magistrate Cheung ang kanyang sentensiya ng apat na araw, kaya 12
araw na lang ang natira.
Nakatakda siyang mag-report ulit sa Immigration bukas (Sept. 8) upang bawiin
ang kanyang passport, at iba pang papeles na kailangan niya para makalipad pauwi sa Sept. 10.
PADALA NA! |
PRESS FOR DETAILS |