Nakalibre sa multa at kulong ang isang Pilipina sa pagdinig sa Eastern Magistracy |
Hindi lang nakalibre ang isang Pilipina sa multa na istriktong
kinukubra ng gobyerno sa mga lumabag ng mga panuntunan laban sa Covid-19, nakaiwas
din siya sa kulong kahit na nag-overstay siya sa Hong Kong nang halos isang taon.
Hinatulan ngayon (Sept. 13) si Ellyn Pinana, 28 taong gulang at dating domestic helper, ni Principal Magistrate Ada Yim sa Eastern Courts ng dalawang buwang pagkabilanggo, na suspendido ng 24 buwan, matapos niyang aminin ang dalawang sakdal na iniharap laban sa kanya.
PINDUTIN PARA SA DETALYE |
Para sa unang sakdal na pagtitipon-tipon, na labag sa Prevention and Control of Diseases (Prohibition of Group Gathering) Regulation Cap 599G, hinatulan siya ni Magistrate Yim ng 14 na araw na pagkakakulong, na hinati dahil sa kanyang pag-amin kaya naging pitong araw.
Sa ikalawang sakdal na pag-overstay, na labag sa Immigration Ordinance, hinatulan siya ng tatlong buwang pagkabilanggo, na binawasan ng 1/3 dahil sa kanyang pag-amin kaya naging dalawang buwan.
Ang dalawang sentensiya ay inutos ni Yim na tatakbo ng sabay, at sususpendihin nang 24 na buwan, na ang epekto ay tuluyan nang hindi makukulong si Pinana kung hindi siya magkakasala ulit sa loob ng dalawang taon.
PINDUTIN PARA SA DETALYE |
“Kung ikaw ay gumawa sa
loob ng 24 na buwan ng pagkakasala na may parusang kulong,” babala ni
Magistrate Yim kay Pinana, “pagsisilbihan mo sa kulungan ang bagong parusa at idadagdag
ang parusang ibinigay sa iyo ngayon.”
Hindi naman masasabing nakalusot si Pinana sa kulong dahil napiit
siya nang 17 araw mula nang siya ay inaresto noong Aug. 27 hanggang pinakawalan
siya ngayon upang mag-report sa Immigration Department para sa susunod na gagawin sa kanya.
Tumagal nang ganito ang kanyang pagkakakulong dahil dalawang
beses na pinagpaliban ang pagdinig laban sa kanya. Noong una ay dahil naka quarantine siya dahil close contact ng isang nag-positibo sa Covid-19, at yung pangalawa ay dahil siya na mismo ang naimpeksyon.
Isa si Pinana sa 46 kataong nahuli sa isang raid noong Aug. 27 na nagtitipon-tipon at nag-iinuman sa LKF The Port bar sa Ho Lee Commercial Building sa D’Aguilar Street, Central, nang lampas sa sa alas dos ng madaling araw, ang tinakdang oras para sa pagsasara ng mga bar.
Ayon sa salaysay na binasa sa korte, bandang 3:45am na nang katukin ng mga pulis at ahente ng Food and Environmental Health Department ang bar, at bumungad ang malakas na tunog ng sound system, at nakita nila ang mga taong magkakatabing nakaupo at nag-iinuman.
Sa mga sinita sa The Port bar, si Pinana lang ang inaresto
at dinala ng pulis dahil wala siyang maipakitang Hong Kong ID. Ang iba ay agad pinagmulta ng tig $5,000.
Sinabi niya sa mga pulis na may sinamahan siyang mula anim hanggang walong katao, at nagpunta sila sa The Port dahil alam nilang bukas yun hanggang madaling araw.
BASAHIN ANG DETALYE |
Sinabi ng kanyang abogado na hindi agad siya nakaalis ng
Hong Kong dahil naghanap muna siya ng bagong employer, pero nabigo.
Hiniling ng abugado na pababain ang sentensiya ni Pinana na may asawa daw sa Pilipinas at 10 taong gulang na anak na babae. Nagsisisi daw siya sa kanyang nagawa kaya agad na inamin ang sakdal laban sa kanya.
Pagkatapos ng pagdinig ay sinabihan si Pinana na maaari na siyang lumabas ng kulungan. Hindi lang malinaw kung ano na ang mangyayari sa kanya ngayon, dahil nahuli na siya sa kanyang pag-overstay.
PADALA NA!
|