Ayon sa hukom sa West Kowloon Courts wala na siyang maibibigay pang diskwento sa sentensya ng Pilipina |
Isang taong pagkabilanggo ang hatol sa isang Pilipina
ngayon (Sept. 26) matapos siyang umaming nagnakaw ng mga alahas ng amo niya na
nagkakahalaga ng $194,800.
Nakinig lang si Cristina Estoya, 38 taong gulang, sa kasong
binasa sa kanya sa West Kowloon Magistracy at nang tanungin siya kung inaamin
nya ang mga paratang, sumagot siya ng “opo”.
Dahil sa pag-amin, binigyan ni Acting Principal
Magistrate Veronica Heung Shuk-han si Estoya ng
1/3 na discount sa 18 buwang kulong na dapat iparusa sa kanya.
PINDUTIN PARA SA DETALYE |
Ayon sa sakdal, ninakaw ni Estoya ang tatlong gintong pulseras,
tatlong gintong kadenang pulseras, dalawang gintong singsing, isang gintong
kwintas at isang singsing na may 1 karat na brilyante.
Nadiskure ng amo niyang babae na nawawala ang mga alahas
niya habang nag-iimpake sa kanilang bahay sa New Haven sa New Territories, bago umalis na nang tuluyan sa Hong Kong at lumipat sa Canada.
Nang tumawag ng amo ng pulis at hinalughog ang mga gamit ni
Estoya, hindi agad nakita ang nawawalang alahas.
PINDUTIN PARA SA DETALYE |
Pero kalaunan ay natagpuan nila sa pitaka niya ang 12 resibo
ng sanglaan na may iba’t ibang petsa, mula Dec. 18, 2021 hanggang Aug.
24, 2022.
Ayon sa abogado ni Estoya, napilitan siyang magnakaw dahil
nagkaproblema siya sa pera.
Isang kaibgan daw ang gumamit sa kanyang pangalan sa pag-utang
ng $30,000 at umuwi sa Pilipinas, kaya naiwan siyang nagbabayad ng $3,000 buwan-buwan
sa loob ng isang taon. Dagdag pa dito ang sarili niyang utang na $15,000 na
binabayaran niya ng $2,000 kada buwan.
Dito pa lang, ayon sa abugado, ay kulang na ang kanyang
buwanang sahod, pero kinailangan pa niyang magpadala ng pera sa kanyang asawa at
apat na anak.
Mga $30,000 lang ang nakuha niya sa pagsasangla ng mga
ninakaw. Dahil matagal na niyang ginagawa ito at hindi niya matubos ang mga
alahas, napaso ang kontrata ng karamihan sa mga sangla at naibenta na ng
sanglaan ang ilang alahas.
Ayon sa abogado, nagsisisi si Estoya sa ginawa niya.
Press for details |
Humingi ito ng sentensiyang hindi kulong, na ikinagalit ni
Magistrate Heung. “Iyan ba ay magandang dahilan para hindi ikulong ang
kliyente mo?” wika niya sa Inggles. “Isa kang propesyunal na barrister. Dapat bigyan
mo siya ng tamang payo.”
Idinagdag niya na sa isang nakaraang kaso, ang parusa
ay walong buwan sa ninakaw na $70,000 lamang.
Itinigil ni Heung ang pagdinig sa kaso, at dininig ang iba
pang nakapilang kaso, upang bigyan ang abogado ng isa pang pagkakataong makausap
si Estoya at magsaliksik ng mga kasong katulad nito upang maging basehan sa dapat na parusa.
BASAHIN ANG DETALYE |
Matapos madinig ni Heung ang lahat ng iba pang naka iskedyul na kaso, tinawag
ulit si Estoya. Agad namang inurong ng kanyang abogado ang kahilingang hindi makulong ang Pilipina,
at sinabi nitong ang mga kahalintulad na kaso ay may parusang pito hanggang 18
buwan.
Matapos niyang bigyan ng 1/3 discount si Estoya, sinabi ni
Heung na wala siyang maibibigay pang pagpapagaan sa parusa.
PADALA NA!
|