Responsive Ad Slot

Latest

Sponsored

Features

Buhay Pinay

People

Sports

Business Ideas for OFWs

Join us at Facebook!

Bagong dating na Pinay, muntik matulog sa labas pagkatapos ng quarantine

17 September 2022

Ni Daisy CL Mandap

 

Hindi tinanggap ng isang hostel sa Chung King Mansions ang Pilipina dahil may yellow code sya

Inabot ng gutom at pagod ang isang bagong dating na Pilipina noong Miyerkules dahil 13 oras siyang napilitang mamalagi sa labas pagkalabas niya ng quarantine hotel sa Tsim Sha Tsui bandang alas nuwebe ng umaga.

Ang dahilan: hindi siya pinatuloy sa tutuluyan niya sanang hostel sa Chung King Mansion dahil naka amber code pa siya, na ang ibig sabihin ay hindi pa siya pwedeng pumasok sa mga lugar na matao o delikado.

Nang ipaalam niya ito sa kanyang employer na nasa Shatin ay sinubukan siyang ilipat sa isang hostel ng Caritas nguni’t hindi din siya pinatuloy.

PINDUTIN PARA SA DETALYE

Kahit walang pera at gutom ay napilitang umistambay si Lee (hindi tunay na pangalan) sa labas habang naghihintay ng tutulong sa kanya.

Sinubukan daw niyang tawagan ang kanyang agency, nguni’t sinabihan daw siya ng tauhan nito na tapos na ang trabaho nila dahil nakarating na siya sa Hong Kong.

Bandang alas otso ay isang kaibigan niya ang tumawag kay Marites Palma ng Social Justice for Migrant Workers, na agad namang nakipag-ugnayan sa mga grupong maaring sumaklolo kay Lee.

“Hello po,may kababayan po tayong pakalat-kalat pa rin sa labas pagkatapos ng 3 days’ quarantine. Wala pong tumatanggap sa kanya na hotel kasi yellow code pa rin po sya. Ang agency, wala na daw pong pakialam, hindi na sumasagot sa worker,” sabi ni Palma sa isang mensahe.

Pindutin para sa detalye

Pagkatapos ibigay ang pangalan ng Pilipina at ang numero ng kanyang telepono ay sinabi ni Palma na nasa labas pa rin ito at walang makain.

Eksaktong 8:22pm nang sumagot si Virsie Tamayao, welfare officer ng Overseas Workers Welfare Administration sa panawagan ni Palma, at sinabing nakausap na niya ang worker. Kukunin na daw ito ng kanyang employer, at ang agency naman ay sinabihan daw nilang siguraduhin na nakarating na sa bahay ng amo ang Pinay.

Sabi ni Lee sa isang hiwalay na panayam, bandang alas 10 na ng gabi nang makarating siya sa bahay ng kanyang amo sa Shatin. Maganda naman daw ang trato sa kanya doon dahil inilagay siya sa isang kuwarto at pinapadalhan ng masustanyang pagkain nang tama sa oras.

PRESS FOR DETAILS!

Hindi lang daw yata siya gustong makihalubilo muna sa ibang tao sa bahay hanggang hindi pa siya nakapag quarantine ng pitong araw dahil may bata sa bahay na iniiwasan nilang mahawa.

Nagpaalala ang Konsulado matapos pagmultahin ng tig $10k ang ilang Pilipino
dahil hindi nagpa test sa takdang araw

Nang marinig ni Cynthia Tellez, general manager ng Mission for Migrant Workers ang tungkol sa kaso ay agad siyang umapela sa Philippine Overseas Labor Office na siguraduhin na inaalalayan ng mga employer at agency ang mga bagong dating para maiwasan ang ganitong problema.

“Hindi nga ba responsibilidad ng employer at ng agency sa bagong dating na migrant domestic worker ang i-guide sila nang maayos?,” tanong ni Tellez.

“Kahit pa may mga papeles o instructions na ibinibigay sa arriving passengers, sa dami ng papeles na ibinibigay sa iyo, minsan nga kahit Tagalog na, nakakalito pa rin. Maiging linawin yan sa parehong employer at agency.”

BASAHIN ANG DETALYE

Dagdag ni Tellez, kailangang ipaunawa sa mga employer, na siya namang nagdala sa manggagawa dito, at sa agency, na kumita sa pag recruit dito, na responsibilidad nila pareho na masiguro ang kapakanan at kaligtasan ng worker.

Hindi naman din daw siguro kalabisan sa POLO at sa OWWA na giyahan ang mga employer at agency sa obligasyon nila.

“For POLO, kahit pa napakaraming ginagawa, being pro-active in matters like this will not hurt lalo’t para sa kapakanan ito ng ating nagsisikap na OFWs. Mas nakakaalwan pa,” dagdag pa ni Tellez.

Ayon kay Tellez, dapat gabayan ang mga bagong dating ng kanilang employer at agency 

Matapos makalusot sa kanyang unang pagsubok ay muntik na namang dumaan sa mas malaking problema si Lee.

Nang kamustahin siya ng The SUN kinabukasan ay sinabi niyang maayos naman ang kanyang kalagayan sa kanyang employer. Pero bigla siyang nataranta nang sabihan na kailangan niyang magpa test noong araw ding iyon alinsunod sa patakaran ng Hong Kong.

Batay sa utos ng gobyerno, ang isang bagong dating ay kailangang manatili sa isang tukoy na hotel para sa tatlong araw na quarantine, at magpa PCR test muli sa ika-apat, anim at siyam na araw mula nang sila ay pumasok ng Hong Kong, kundi ay pagmumultahin sila ng $10,000.

Bukod dito ay kailangan din silang mag rapid antigen test mag-isa hanggang sa ika-10 araw, at ipadala sa Department of Health ang resulta sa pamamagitan ng SMS.

Ipinakita ni Lee ang kanyang quarantine order, at ang intindi niya ay sa Linggo, o ika-7 araw niya sa Hong Kong, siya kailangang magpa PCR test ulit.

Ang totoo, iyon ay pagsasabi lang sa kanya na tapos na ang kanyang medical sa araw na iyon, at wala itong kinalaman sa mga araw na dapat ay nagpapa test siya.

Wala daw siyang ibang papeles na hawak na nagsasabi na kailangan niyang lumabas para magpa test ng tatlong beses matapos siyang lumabas ng quarantine hotel. Wala din daw nagsabi sa kanya tungkol dito.

Pero suwerte pa rin siya dahil pagsabi niya sa kanyang employer ay agad siyang pinayagang lumabas sa mga itinakdang araw, at itinuro pa kung saan ang pinakamalapit na community testing centre.

Sobra-sobra din daw ang pinapadala nitong mga pagkain sa kanya sa nagdaang tatlong araw matapos siyang lumipat sa kanilang bahay, kung saan ay may makakasama siyang apat na iba pang domestic worker.

Malas man sa umpisa ay mukhang suwerte naman siya sa among pakikisamahan niya sa darating na dalawang taon.

https://leade7.wixsite.com/thesunads/asiandragon
PADALA NA!
CALL US!

Don't Miss