Responsive Ad Slot

Latest

Sponsored

Features

Buhay Pinay

People

Sports

Business Ideas for OFWs

Join us at Facebook!

Pinagmulta ng $4,000 dahil nakitaan ng vape

03 August 2022

 

Pinagmulta ng $4,000 ang Pilipino matapos umamin sa sakdal sa Eastern Court

Pinagmulta ng $4,000 ang isang Pilipino sa Eastern Magistracy matapos itong umamin sa sakdal na pagdadala ng vape (o electronic cigarette) na may nicotine, na kasali sa mga inilista sa batas na nakakalasong kemikal.

Hinuli si R.A., 27, isang waiter sa Wanchai, noong gabi ng April 22 nang sitahin siya ng pulis at makita sa kanyang bag ang isang vape at tatlong vaping pad na nakababad sa 0.8 at 1.5 gramo ng likidong nicotine.

PINDUTIN PARA SA DETALYE

 “Hindi ko kasi alam na bawal,” ika ni R.A. bilang paliwanag nang tanungin siya ni Magistrate Law Suk-han kung ano ang masasabi niya sa kaso laban sa kanya.

Sa labas ng korte, sinabi niya sa isang panayam sa The SUN na nakakalungkot na hinuli siya 10 araw bago ipinagbawal ang pag-aangkat, pagtitinda at paggamit ng vape at iba pang “alternative smoking product” sa bawal na lugar, sa ilalim ng Smoking (Public Health) (Amendment) Ordinance 2021.

Pero hindi ang batas na ito ang ginamit na batayan ng kaso laban sa kanya kundi ang Pharmacy and Poisons Ordinance (Cap. 138). Sa ilalim ng batas na ito, ang pagdadala ng kahit na anong kemikal na nakakalason katulad ng nicotine ay pinaparusahan.

Matapos ang pag-amin ni R.A., tinanong ng mahistrado sa mga abugado sa magkabilang panig kung ano ang karaniwang parusa sa ganitong kaso.

Press for details

Sinabi ng taga-usig na kailangan niyang mag-saliksik para sa sagot.

Sumagot naman ang duty lawyer na itinalaga kay R.A., na ang pinakamabigat na parusa sa ganitong pagkakasala ay multang $100,000 at pagkakakulong ng dalawang taon.

Pero, dagdag niya, karaniwan ay nauuwi ang parusa sa multa.

Sa paghahatol, nakiusap ang abugado ni R.A. na isaalang-alang ang malinis niyang record, na ang nakuhang kemikal ay pansariling gamit lamang, at hindi siya nakitaan ng kahit anumang droga.

Tunghayan ang isa na namang kwentong Dream Love

Sa huli ay pinagmulta si R.A. ng $4,000. Pinayagan din siyang ibawas dito ang nauna niyang ibinayad sa korte na $500 bilang piyansa upang makalaya habang dinidinig ang kaso.

“Akala ko ay mga $2,500 lang ang babayaran ko. Pero at least, makakahinga na ako ng maluwag,” ika niya habang naghihintay sa cashier na tawagin ang pangalan niya upang tuluyan nang isara ang kanyang kaso.

CALL US!
https://leade7.wixsite.com/thesunads/asiandragon
PADALA NA!

Don't Miss