Ni Daisy CL Mandap
'Pinagkakakitaan!" Ito ang sagot ng mga OFW sa tanong na ito ni Alann Mas |
Hindi kailan man ikinabit sa OEC (overseas employment
certificate) ang pagbabayad para sa PhilHealth kaya hindi ito sapilitan sa mga
overseas Filipino workers.
Ito ang sinabi ni Ringo Danao, senior social insurance
officer ng PhilHealth o Philippine Health Insurance Corporation, sa isang pakikipag-usap
sa mga lider ng migranteng Pilipino sa Hong Kong na ginanap nitong Linggo sa
Wesleyan building sa Wan Chai.
PINDUTIN PARA SA DETALYE |
Isinagawa ang pulong sa pagitan ng mga kinatawan ng
mga opisyal at ahensya ng gobyerno at mga lider ng komunidad sa pakikipag-ugnayan ng
Rise Against Government Exactions o Rage, na itinatag ng ilang grupo ng mga OFW
matapos ipasa ang Universal Health Care (UHC) Law noong Pebrero ng 2019.
Bukod kay Danao, dumalo din sa online na pagtitipon
ang manager ng OFW Operations Centre Department ng Pag-IBIG Fund na si Rosette
Ignacio, Consul Paulo Saret ng Konsulado at Assistant Labor Attache Angelica
Sunga.
Ayon kay Danao, hindi isinama ang pagbabayad para sa PhilHealth
sa listahan ng mga singilan na ikinabit sa OEC noong Agosto ng taong 2015.
“Hindi requirement ang pagbabayad sa PhilHealth
sa pagkuha ng OEC,” sabi ni Danao.
Humingi din siya ng pag-unawa sa mga OFW lider na
mariing tinututulan ang puwersahang paniningil para sa PhilHealth. Ayon sa
kanya, ipinapatupad lang nila ang mga panuntunan na nakasaad sa UHC law na pinirmahan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
PRESS FOR DETAILS |
Sa ilalim ng batas na ito ay umaabot na sa 4% ng
buwanang suweldo ng isang OFW ang dapat nilang ibayad para sa PhilHealth. Ibig
sabihin, ang dapat bayaran ng isang OFW sa Hong Kong na kumikita ng
pinakamababang sahod na $4,630 ay mahigit Php15,500 sa isang taon, o Php31,000 sa bawat dalawang taon na kontrata.
Ayon sa kinatawan ng mga OFW, kung pagsasamahin ang
lahat ng mga pwersahang singilin sa mga OFW kasama ang para sa PhilHealth ay aabot ito sa mahigit Php40,000 bawat taon.
“Kaunti na lang ay pwede nang bumili ng tricycle,”
sabi ni Eman Villanueva ng Bayan Hong Kong and Macau na isa sa mga nagsalita.
Pero kahit sa mga OFW-driver na higit na malaki ang sinasahod ay mahihirapan
daw maglabas ng ganito kalaking halaga taon-taon.
PINDUTIN PARA SA DETALYE |
Ayon kay Danao, ipinaabot na daw nila kay Department of Migrant
Workers Secretary Susan Ople ang kanilang posisyon tungkol sa usaping ito,
dahil una nang isinapubliko ng kalihim ang kanyang pagkabahala sa malaking
halaga na sinisingil sa mga OFW para dito.
Naging palaisipan naman ito sa mga lider ng RAGE na
pinangungunahan nina Dolores Balladares-Pelaez at Alann Mas, dahil naging
malaking balita noong 2020 ang pagpatigil ni Duterte sa paniningil para sa PhilHealth
nang umalma ang maraming OFW sa iba-ibang parte ng mundo.
Pinakita ni Mas ang sisingilin para sa PhilHealth sa isang OFW na kumikita ng minimum sa HK |
Pero kung nakaluwag sa isipan nila ng bahagya ang sinabi ng taga PhilHealth ay kabaligtaran naman ang epekto ng pahayag ni Ignacio ng Pag-IBIG.
Kinumpirma ni Ignacio na simula ngayong Lunes, Aug 1,
ay ipapatupad na ang pagkakabit sa ng Pag-IBIG sa OEC. Ibig sabihin, lahat ng
kukuha ng OEC ay dapat nang ilagay ang kanilang Pag-IBIG membership number sa
online form na kailangan nilang sagutin, bago sila makakuha ng exemption at makaalis ng bansa.
Press for details |
Dagdag niya, para daw ito masiguro na ang bawat perang
binabayad ng isang OFW para sa Pag-IBIG ay naipapasok sa kanilang account.
Kahit magpalipat-lipat daw sila ng bansang pagtatrabahuan ay sa iisang account
lang papasok ang kanilang bayad.
Nagbigay din si Ignacio ng datos na nagpapakita na
mula sa Php100 kada buwan na binayad ng mga OFW ay libo-libo na ang nakinabang
sa pamamagitan ng housing loan at iba pang benepisyo.
Nilinaw naman ni Balladares-Pelaez na hindi nila
tinututulan ang pagbabayad para sa Pag-IBIG ng mga OFW dahil marami din naman ang
naniniwala na malaki ang naitutulong nito para sila kumita o magkabahay.
Tunghayan ang isa na namang kwentong Dream Love |
Ang ayaw lang daw nila ay ang gawin itong sapilitan
dahil higit na nakakarami ang mga OFW na gipit sa pera o walang balak mangutang para sa
pagpapatayo ng bahay.
Ang iba pang nakalinyang bayarin na mahigpit na
tinututulan ng mga OFW sa pangunguna ng RAGE ay ang para sa expanded mandatory
insurance na kasalukuyan nang ipinatutupad, at sa SSS o Social Security System
na ayon kay Mas, ay di hamak na malaki ang idudulot na kawalan sa mga OFW.
Nanawagan sila na ibasura na lang ang OEC para hindi
na daw ito gamitin ng iba-ibang ahensya na gustong makasingil nang sapilitan sa
mga OFW.
“Bagong Bayani ba tayo o Gatasang Baka?” sabi ni Mas
sa paninimula ng kanyang pagbabahagi sa pulong. Ang nagkakaisang tugon ng mga OFW sa pulong, ""Gatasang Baka."
SA
SUSUNOD: Ang singilan para sa expanded mandatory insurance at sa SSS
CALL US! |
PADALA NA! |