|
Ang lugar kung saan nahuli ang Pilipina. (Google Maps photo) |
Tinanggihan ng korte kahapon (Aug 5) ang alok na $6,000 bilang piyansa ng
isang Pilipinang inaresto sa kasong trafficking in dangerous drugs (o pagbebenta
ng mga mapanganib na droga) upang palayain siyang pansamantala.
Dahil dito, ibinalik si Liza Soriano, 44, sa kulungan para sa susunod na pagharap niya sa korte sa Aug. 12 para muling dinggin ang hiling niya na makapagpiyansa at sa Oct. 21 upang dinggin ang mga paratang sa
kanya.
Sinabi ni Magistrate Lau Suk-han ng Eastern Magistracy na tinanggihan
niya ang alok ni Soriano dahil sa bigat ng paratang sa kanya at sa dami ng
nahuling droga sa kanya. Kapag nalaya daw ito ng pansamantala ay baka hindi na siya bumalik sa korte upang harapin ang kaso
laban sa kanya.
Sinang-ayunan ni Lau
ang pagharang ng taga-usig sa hiling ni Soriano na palayain siya pansamantala.
Nahuli si Soriano, na inilistang walang trabaho, ng mga
operatiba ng Customs and Excise Deparment noong July 28 sa tapat ng pasukan ng
isang gusali sa Sai Ying Pun.
Nasamsam sa kanya ang isang kilong methamphetamine o shabu.
Sa ilalim ng Dangerous Drugs Ordinance, ang drug
trafficking ay isang mabigat na krimen. Ang pinakamataas na parusa dito ay
multang $5 million at habambuhay na pagkakakulong.