Diretso sa kulungan ang Pilipina matapos siyang sentensiyahan sa Eastern Court |
Kahit gipit na gipit, huwag na huwag isasanla ang iyong ATM card dahil kapag nagamit ito sa money laundering, maaari kang mabilanggo.
Ito ang naging aral kay Arline Baydal, 41 taong gulang na domestic helper, nang parusahan siya ngayon (Aug. 31) sa Eastern magistracy ng dalawang buwang pagkakakulong dahil isinanla niya ang kanyang ATM card para daw mangutang ng $1,500 na pampagamot sa kanyang ina. Ang hindi niya daw alam ay ginamit ang ATM card niya para sa money laundering o paglilinis ng perang mula sa krimen.
Nagsimula sa tatlong buwang kulong ang
parusa ni Magistrate Lau Suk-han kay Baydal sa kasong paghawak ng perang galing
sa krimen, na paglabag sa Organized and Serious Crimes Ordinance. Binawasan niya
ito ng 1/3 dahil sa pag-amin ni Baydal kaya naging dalawang buwan na lang.
PINDUTIN PARA SA DETALYE |
Pero ayon sa kanya, wala siyang
makitang kakaibang dahilan upang suspendihin ang sentensiya ni Baydal, na hiniling
ng kanyang abogado upang maiwasan niyang makulong.
Hindi binigyang halaga ni Lau ang sinabi ng abogado ni Maydal na hindi siya nakinabang sa money laundering nang ginamit ang kanyang ATM card, na hindi siya aktibong nakilahok sa naganap na krimen, at ginamit lang siya ng mga tunay na kriminal.
Ang tanging kasalanan lang daw ng Pilipina ay naging pabaya siya dahil hindi niya iningatan ang account niya sa bangko, sabi ng kanyang abugado.
Ayon pa sa tagapagtanggol, malinis ang record ni Baydal at suportado
siya ng kanyang amo. Papayagan daw siya ng Immigration Department na magpatuloy
ng trabaho sa amo kung suspendido ang kanyang sentensiya.
Base sa mga nauna nang kaso, ang
mga dahilang ito ay hindi tinatanggap bilang depensa ng isang akusado sa money
laundering at hindi rin dahilan upang mapagaan ang parusa sa nagkasala, dagdag ni Lau.
Nagsimula ang kaso ni Baydal, na
may asawa at dalawang anak sa Iloilo, nang isanla niya ang kanyang ATM card sa
isang babae noong Dec. 8, 2020, kasama ang password nito, kapalit ng utang na
$1,500 na ipinadala daw niya sa inang may sakit, na namatay din kinalaunan.
Simula noon hanggang March 1, 2021 ay may nag-deposito ng kabuuang $169,975 sa kanyang account. Ginamit ang account para makapagdeposito ng 26 beses at mag-withdraw
ng 25 beses, gamit ang ATM card na isinanla niya, sa iba’t ibang lugar ng Hong
Kong.
Press for details |
Base sa imbestigasyon, ang perang
ito ay galing sa mga parokyano ng isang negosyante sa gulay.
Pero dahil na-hack ang email na
ginagamit ng negosyante sa paniningil, ang mga parokyano niya ay nakatanggap ng
email na nagsasabing ang mga bayad nila ay i-deposito sa Hang Seng Bank account
na ginagamit ng hacker. Ito ang account ni Baydal.
Ayon kay Baydal, nalaman lang niya
na sangkot siya sa krimen nang arestuhin siya ng pulis sa bahay ng kanyang amo
sa Tseung Kwan O.
Tunghayan ang isa na namang kwentong Dream Love |
Una siyang sinampahan ng dalawang
kaso, pero hindi na naghain ng ebidensiya ang taga-usig sa ikalawang kaso --
ang pakikisabwatan sa paghawak ng perang galing sa krimen, na paglabag din sa Organized and
Serious Crimes Ordinance.
Pagkatapos siyang hatulan, tahimik
na nagpapahid ng luha si Baydal habang inaakay siya ng mga pulis papasok sa
silid para sa mga ikukulong.
PADALA NA! |