Pinababalik ang Pilipina para sa hatol sa kasong paglabag sa mga kondisyon ng kanyang visa |
Isang Pilipinang domestic helper ang humarap sa Shatin Courts ngayon (Aug. 16) sa kasong paglabag sa mga kondisyon ng kanyang visa, dahil nahuli daw siyang nagtitinda ng t-shirt noong Oct. 31, 2021 sa harap ng General Post Office sa Central.
Ang depensa ni Marilyn Bulan, 50 taong gulang: Hindi siya
nagtitinda, kundi bumibili.
Mahalaga sa kanyang mapatunayan na siya ang bumibili, dahil
ang pagtitinda ay paglabag sa Section 41 ng Immigration Ordinance, na ang
pinakamabigat na parusa ay multang aabot sa $50,000 at pagkakulong ng dalawang
taon.
PINDUTIN PARA SA DETALYE |
Iprinisinta ng taga-usig ang babaeng pulis na humuli kay
Bulan, na nagsabing nakita niya ang transaksyon sa pagitan nito at isa pang
babae -- na inabutan niya ito ng apat na
t-shirt, tapos ay tinanggap niya ang ibinalik nitong tatlong t-shirt. Bandang huli ay tinanggap niya ang
bayad mula sa bumibili at isinilid niya sa kanyang sling bag.
Sinabi rin ng testigo na noong papalapit na siya upang
sitahin si Bulan, nakita niya itong tumakbo, dala ang nylon bag na may lamang
t-shirt, hanggang masukol nya ito sa tulong ng dalawa pang pulis.
Sa imbestigasyon ay nakita sa bag ang 31 pirasong t-shirt, na
iprinisinta kay Deputy Magistrate Fung Lim-wai bilang ebidensiya.
PINDUTIN PARA SA DETALYE |
Sinabi ng taga-usig na ang pagtakbo ni Bulan ay tanda ng pagkakasala.
Nang tanungin ng abugado ni Bulan ang testigong pulis, lumabas
na nakita niya ang transaksyon mula sa layong walong metro, na hindi niya
napakinggan ang usapan ng dalawang Pilipina, at kung marinig man niya ay hindi
rin niya maiintindihan dahil ito ay Tagalog.
Tinanong niya ang pulis kung binuksan niya ang bag ng
akusado noong iniimbestigahan nya ang kaso.
Nang sumagot ito ng hindi, sinabi ng abogado na kung
binuksan niya ang bag, makikita niya ang apat na $100, na isinukli ng babae kay
Bulan.
Press for details |
Nang tawagin si Bulan bilang testigo, ipinaliwanag niya na bumili
siya sa babae ng 30 t-shirt na tig-$20, o may kabuuang $600, para iregalo sa
kanyang mga anak, kapatid at pinsan sa darating na Pasko. Dinagdagan ito ng isa pang t-shirt na ibinigay na libre ng babae dahil may sira.
Ang ibinayad niya ay dalawang piraso ng $500, kaya binigyan
siya ng sukling $400, o apat na tig-$100.
Pagkatanggap sa sukli ay may narinig siyang sumigaw at nagtakbuhan
ang mga tao sa paligi niya.
Sinabi ng babae kay Bulan, “Ate, takbo na!” habang mabilis
na sinisinop ang sariling paninda at umalis, kaya tumakbo siya dahil sa nerbiyos at pagkabigla.
Tunghayan ang isa na namang kwentong Dream Love |
“Gusto ko lang naman isalba ang nabili ko,” paliwanag ni
Bulan.
Pero bigla daw siyang tumigil sa pagtakbo nang maalala niya ang naiwanang trolley na
may lamang mga pinamili mula sa grocery sa ale-ale sa halagang $2,500 upang
ipadala sa Pilipinas, at dahil mabigat ang dala niyang bag ng t-shirt. Doon na siya inabutan ng tatlong pulis.
Sinabi niya na kinuha sa kanya ang kanyang HKID at isinakay siya
sa isang police van, bago dinala sa presinto kasama ang isa pang babae na
nahuli rin. Hindi na rin niya nakita ang naiwanang trolley, kahit binalikan niya
ito noong gabi ring iyon sa pinaghulihan sa kanya.
Sinabi ng abugado ni Bulan na kung tama man ang nakita ng pulis,
ito ay ilang segundo lamang ng buong pangyayari at dahil dito, nagkamali ito sa paghuli sa kanya.
Idinagdag niya na hindi rin kataka-taka na tumakbo si Bulan, dahil noon lang
nangyari sa kanya ito at malinis ang kanyang rekord sa Hong Kong sa pitong taon
niyang paninilbihan sa kanyang amo sa Sai Wan Ho, kung saan nag-aalaga siya ng
isang dalagang may kapansanan sa pag-iisip.
Samantala, dagdag ng abogado, ang totoong nagbenta ng
t-shirt kay Bulan ay tuloy pa rin sa gawain. Ipinakita niya ito sa mga larawan ng
babae na kinunan ni Bulan sa iba’t ibang lugar sa Central ilang araw pagkatapos
siyang mahuli.
Pinabalik ni Magistrate Fung si Bulan, na pansamantalang
nakakalaya sa piyansang $1,000, sa Biyernes (Aug. 19) upang dinggin ang kanyang
hatol.
PADALA NA! |
CALL US! |