Ni Daisy CL Mandap
Nanawagan si Ballena sa labas ng POLO na ibigay na agad ang P3k ayuda sa kanilang pamilya |
Kagyat na ayuda para
sa mga biktima ng lindol ang hiling ng mga overseas Filipino workers mula sa
Abra at Cordillera na nagprotesta sa opisina ng Philippine Overseas Labor
Office nitong Linggo.
Sinabayan naman sila ng piket-suporta ng ibang lider ng United Filipinos-Migrante Hong Kong sa labas ng gusali kung saan naroon ang opisina ng Polo at Konsulado.
Ayon sa mga lider ng Abra Tingguian Ilocano Society o ATIS, 12 araw matapos yanigin ng 7.3 magnitude na lindol ang kanilang probinsiya ay hindi pa rin nakukuha ng kani-kanilang mga kapamilya ang pinangakong Php3,000 na ayuda ni Department of Migrant Workers Secretary Susan Ople.
PINDUTIN PARA SA DETALYE |
Ang pera na ipapamahagi ay mula sa Php20 milyon na pondo na manggagaling sa Overseas Workers Welfare Administration o OWWA.
Ayon kay Ludy Guinaban, presidente ng ATIS, ang binigay na dahilan kung bakit hindi mabigyan ng pinangakong ayuda ng ang kanilang mga kaanak ay dahil lumitaw sa listahan ng OWWA Abra na karamihan sa kanilang mga OFW sa Hong Kong ay “inactive members” daw.
“Nakakagalit ito dahil alam naman natin na nagbabayad kaming lahat ng OWWA membership tuwing magre renew kami ng kontrata,” sabi ni Guinaban.
PINDUTIN PARA SA DETALYE |
Ayon naman kay Maricel Ballena na isa ding lider ng ATIS, ang isa pang problema ay ang dami ng hinihinging requirements ng OWWA bago makuha ang ayuda nilang ipinangako, kagaya ng: (1) Authorization letter mula sa OFW; (2) Photocopy ng passport ng OFW na may pirma; (3) Isang 2x2 ID picture ng claimant; (4) Pruweba ng relasyon nila sa OFW, katulad ng birth certificate o marriage certificate, depende kung sino ang kumukulekta; at (5) Photocopy ng valid government ID ng tatanggap ng pera.
Ang lahat ng mga dokumentong ito ay kailangan daw i-print dahil hindi tatanggapin ang digital copy. Sa ngayon ay umaabot na daw sa Php15 kada pahina ang pagpapa print sa kanilang lugar.
Dagdag-gastos at oras din ang pagkuha ng opisyal na kopya ng birth o marriage certificate mula sa PSA o Philippine Statistics Authority.
Pagkatapos masumite ang lahat ng ito sa tagalista sa barangay ay ipapasa naman ang mga dokumento sa local government unit o LGU, ayon kay Ballena. Mula doon ay mapupunta ito sa OWWA Abra, tapos ay dadalhin sa Baguio para sila ang mag verify kung active o inactive member ang kanilang kapamilya.
Dahil sa dami ng mga kakailanganing dokumento at haba ng proseso ay pumipila daw ang kanilang mga kapamilya ng ilang oras o araw sa pag-asang makukuha ang ipinangakong Php3,000.
“Masakit sa amin na isang araw, dalawang araw, tatlong araw, na pumipila ang bawat pamilya namin para lang dito sa tatlong libong piso na ayuda ng OWWA. Sa dami ng requirements kailangang gumastos para sa pamasahe at gasoline. Kung alam niyo lang kung gaano kalayo ang mga munisipyo sa aming probinsiya para lang makarating sa sentro…” sabi ni Ballena.
Press for details |
Sa laki ng gastusin para makumpleto ang mga hinihinging papeles ay baka kulangin pa daw ang ibibigay na Php3,000 sa kanila. Gayunpaman ay kailangan daw talaga ng marami ang agarang tulong dahil hanggang ngayon ay marami sa kanila ang natutulog sa labas ng kanilang bahay dahil sa patuloy na aftershocks.
Kasabay na nagprotesta ang mga lider ng Unifil bilang suporta sa panawagan ng ATIS |
Kinatigan naman ito ni Che Cataluna ng Filipino Migrant Workers Union, na kabilang sa mga nagprotesta sa labas ng Konsulado.
“Napakaraming requirements ang hinihingi. Bakit ganoon? Bakit pagdating sa requirements ang daming requirements? Pero pag sila ang naniningil ay maglalabas lang sila ng memo, wala ni ha ni ho, walang konsultasyon, walang requirements?,” sabi niya.
“Ibigay ninyo ng tama at ibigay ng kagyat,” dagdag pa niya.
Tunghayan ang isa na namang kwentong Dream Love |
Para maiwasan ang pahirapang pagkumpirma ng kung sino ang active o inactive na miyembro ng OWWA ay bigyan na lang daw ang lahat ng mga OFW na natamaan ng lindol, sabi ng nagkakaisang tinig ng mga kasali sa protesta.
Hanggang ngayon daw kasi ay marami ang nagdurusa sa mga nasalanta ng lindol. Marami ang hindi makabalik sa kanilang mga tahanan dahil sa aftershocks. Ang ilan ay nananatili sa evacuation centers samantalang ang iba ay nagtayo na lang ng tent malapit sa kanilang tirahan.
Walang patubig sa kanilang mga bukirin, at ang ilan ay kailangan pang bumili ng tubig na iinumin.
Samantala, ayon sa mga lider, batbat ang mga OFW ng mga puwersahang bayarin katulad ng para sa Pag-IBIG, PhilHealth, expanded mandatory insurance at pati sa SSS.
CALL US! |
PADALA NA! |