Ni Daisy CL Mandap
Bukod sa mga dagdag-singilin ay malaking pasakit din daw ang pagkuha ng OEC ngayon |
Hindi na nga
tinatanggal ang OEC (overseas employment certificate) na patuloy na nagbibigay pasakit
sa mga migranteng manggagawa na umaalis ng Pilipinas, mas pinaharapan pa ang
proseso para sa pagkuha nito online.
Ang mas masaklap, ayon sa United Filipinos-Migrante Hong Kong, walang tulong na nakukuha ang mga OFW (overseas Filipino workers) mula sa Konsulado o sa Philippine Overseas Labor Office para mas mapagaan ang pagkuha nila dito.
Tinuligsa ng Unifil ang dalawang kinatawan ng gobyerno sa Hong Kong dahil diumano sa kawalan nila ng aksyon para pakinggan ang hiling ng maraming OFW na tanggalin na lang ang OEC at tulungan sila na mapigilan ang mga nakaambang karagdagang singilin sa kanila.
PINDUTIN PARA SA DETALYE |
Sa isang pahayag nitong Biyernes, sinabi ni Dolores Balladares-Pelaez, tagapamuno ng Unifil na matagal na nilang hinihingi na magpatawag ng pulong ang Konsulado para pag-usapan ang tungkol sa OEC at pwersahang pagpapabayad para sa Pag-IBIG, PhilHealth at insurance, pero wala silang natanggap na tugon.
“Hiniling namin na magpatawag ng pulong ang Konsulado pero hindi namin nakumbinsi si Consul General Raly Tejada,” sabi ni Pelaez. “Ang sabi niya hindi pwede dahil sa pandemic, pero bakit kahit zoom meeting ay ayaw nilang gawin?”
Ilang oras matapos ilabas ng Unifil ang kanilang pahayag ay naglabas ang Polo ng abiso sa kanilang Facebook page na hindi dapat magbayad ang mga OFW para makakuha ng OEC dahil ito ay libre. Mayroon naman daw silang kiosk na may computer para sa mga gustong gamitin ito para sa pagkuha ng OEC.
|
Ang paglilinaw ay dahil sa maugong na balita na may mga nag-aalok sa mga OFW ng tulong para makakuha ng OEC kapalit ng bayad na mula $80 pataas. Ang mga taong ito ay naka-istambay sa mismong ibaba ng United Centre building kung saan matatagpuan ang mga opisina ng Polo at Konsulado.
Sa termino ng dating Labor Attache Jalilo dela Torre ay may itinalagang lugar sa loob mismo ng Polo kung saan ang mga OFW ay maaring magpaturo na maka log-in at makakuha ng OEC sa dating website na itinalaga para dito, ang Balik Manggagawa Online.
Wala na ang dating grupo na ito, at ngayon na may bagong website na ginawa para sa OEC at sa mga dagdag-bayarin katulad ng Pag-IBIG na itinali dito, mas lalong nahihirapan ang mga OFW na makuha ang simpleng dokumento na kakailanganin nilang ipakita para makaalis ng bansa.
Press for details |
Sa hangad na makatulong ay nakiusap ang dating mga volunteer na pinangungunahan ni Marites Nuval ng Global Alliance na makigamit ng opisina ng Metrobank sa 15th floor ng United Centre para mas madali silang mahanap ng mga OFW na kailangan ng tulong para makakuha ng OEC.
Sabi ni Pelaez, wala ring ginawa ang Konsulado para pakinggan ang mga OFW gayong pinahayag na ng gobyerno na sisimulan na ang pwersahang paniningil para sa Pag-IBIG gamit ang OEC simula sa susunod na buwan.
Nakaamba din ang sapilitang paniningil ng 4% ng buwanang suweldo ng mga OFW para sa PhilHealth at US$72 (Php 4,0340) para sa mandatory insurance. Nandyan din ang posibilidad na dagdagan pa ito ng 5% na singil para naman sa Social Security System.
PRESS FOR MORE DETAILS |
“Wala man lang kaming narinig na pahayag ang Konsulado tungkol sa mga problemang ito,” sabi ni Pelaez. “Maglabas man sila ng paalala tungkol sa mga ito sa Facebook ay hindi yun sapat,” dagdag niya.
Sabi ng Polo hindi dapat magbayad ang mga OFW para makakuha ng OEC |
Ngayon na maraming mga OFW ang nakatakdang makauwi muli dahil sa pinaluwag na mga patakaran kontra sa pandemya ay marami din ang namomroblema dahil sa OEC, sabi ni Pelaez.
Pinatotoo naman ito ng maraming mga manggagawa na ginamit ang Facebook para magreklamo tungkol sa mahirap na pagkuha ng OEC, at manawagan na tanggalin na lang ito dahil hindi naman daw ito talagang kailangan.
“Matagal na itong panawagan ng mga OFW pero dahil hanggang ngayon ay hindi kami pinapakinggan, ang maari na lang gawin ng Polo ay magtalaga ng kanilang tauhan o mga volunteer para tumulong na malampasan namin ang dagdag-pasakit na ito,” sabi ni Pelaez.
“Ang gusto lang namin ay umuwi, bakit pahihirapan pa ninyo kami sa pagsagot ng form?” dagdag niya.
Pagdating naman sa mga dagdag singilin na malamang na ipatupad na rin sa lalong madaling panahon, bakit daw hindi maintindihan at matugunan ng pamahalaan ang hiling nila na huwag itong gawing pwersahan.
“Hindi tuloy namin mapigilang mag-isip na pinapabayaan kami sa panahong kailangang kailangan namin ng tulong,” pagwawakas niya.
PADALA NA! |